Ni Ibarra Banaag
At muntik na sana akong napabilib,
Napaisip na hindi dinaga ang dibdib.
Ano ito at bigla-biglang kumabig,
Sa text na nagsasabing iyo’y itigil?
Hindi daw umano ito importante,
Walang mapapala kahit isang Pilipino,
Matatali lang ang Kongreso’t Senado,
Magsasayang lang daw ng panahon.
Kaya huwag na kuno ituloy ang plano,
Pagpapatalsik sa naghuhurumentado.
Di ba dapat di nakikialam ang ehekutibo,
Sa papel at tungkulin ng lehislatibo?
Kung pagbabanta ay sa karaniwang tao,
Pagpapapatayin ang angkan sa baryo,
Tiyak na magkikita-kita sa baranggay,
Upang harapin pasaway na kapitbahay.
Pero paano naman ang interes ni Juan,
Na papanagutin ang may kabalbalan,
Ang mga tiwali at sangkot sa korapsyon,
Di ba dapat alisin sa pwesto at ikulong?
Di naman kaya natatakot ang Pangulo,
Na maungkat din ang paggasta ng pondo,
Saan ginagamit at hingan ng resibo,
Sa gayon mabatid kung ginamit ng wasto?
Iyan ang problema sa maruming pulitika,
Nangunguna lagi ang interes ng pamilya,
Itong awayan ng dalawang dinastiya,
Naiiwang nakanganga ang nasa laylayan.
— Nobyembre 29, 2024








