Ni Adora Faye de Vera
Di ko maalala kung maaraw o maulap
sa panahon ng paglalakad.
Naaalala ko lang na umuusok ang lansangan
at nagbabaga ang poot
ng mga kapatid kong dinusta't binusabos,
tinugis, tinudla, tinadtad ng tingga
hanggang mangabuwal sila
sa Mendiola.
Di ko maalala kung ang mga daing at hiyaw
ay nagmula sa labi ng mga Adelfa't Danilo
o mula sa pagtutol ng libu-libong puso.
Alam ko lang na may isang Neneng naghihintay
sa pag-uwi ng magulang
na naging bangkay
sa Mendiola.
Di ko alam kung natamnan na ang mga bukid
o naghihintay sa kanilang pagbalik
Alam ko lang na naitanim na
ang mga binhi ng pagpupunyagi
na kami ang aani
sa Mendiola.
= = = = = = =
Ngayong araw ang ika-38 na anibersaryo ng Mendiola Massacre na kumitil sa 13 magbubukid na nananawagan ng reporma sa lupa.








