By George T. Calaor

 

Limang taon…

 

hindi bilang

kundi sugat

sa kalendaryo ng bayan.

 

Magbubukang-liwayway

noong ika-2 ng

Disyembre,

dalawang libo’t

dalawampu…

 

kalayaan mo’y

lapastangang sinupil

ng mga bayarang

berdugo

ng naghihingalong

estado.

 

Sakahan kang tinaniman

ng baril at bomba—

palayang hinasikan

ng nilubid na

kasinungalingan.

 

Sa loob ng piitan…

 

uyayi kang ibinilanggo

sa hawla ng kaganidang

kinandado ng

pangangamkam…

binabantayan ng mga

gwardiyang

dumidiyos sa pasistang

rehimeng pumapaalipin

sa dayong utos.

 

Ngunit ang hindi nila alam…

 

ang diwa mo

ay butil

na ang pagsibol ay hindi

masusupil

ng barbarong dahas at

karahasan.

 

Tinig mo

ay awit na humihimig

sa mga magsasakang

hindi sumusuko sa

pakikibaka.

 

Ang titik mo

ay mga salitang

gumigising

sa kaisipang pilit inililihis

palayo sa landas ng

katarungan—panitikang

agos ay

daluyong

ng lakas na hindi

mapipigil

na pag-angkin

sa dinadalisay na

paglaya.

 

Limang anihan…

 

bigo ang gahaman.

 

Tuloy ang laban!

 

Walang uri ang kalayaan.