LARAWAN: Mga hanapbuhay sa panahon ng pagbisita ng Papa sa Luneta
Kapansinpansin ang maraming nagtitinda sa kalsada ng Taft Avenue, sa ilalim ng LRT mismo sa tapat ng Philippine Normal University. Kagaya ng mga nagsisikap na makarating sa pinakamalapit na maaabot nila ang Papa (sa loob ng Luneta,) hindi nila iniintindi kung nababasa ba sila ng ulan o hindi. Ang mahalaga, nakakapagbenta sila ng mga bagay na magpapaalala sa mamamayan kay Pope Francis sa kanyang pagbisita sa Pilipinas. Pagkain man ito o subenir.
Pero higit sa lahat, nakinig man sila o hindi sa mga pangaral at mensahe ni Pope Francis sa Luneta, kabilang sila sa mga hikahos na palaging tinutukoy ng Papa na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan. Sila ang dapat na bida sa mga programang pangkabuhayan. Kabilang sila sa malawak na mamamayan na pinagkakaitan ng marangal na pamumuhay dahil sa matinding kurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Sa huli, kabilang din sila sa mga dapat na minumulat, inoorganisa at pinapakilos para sa kanilang kapakanan. Huwag kalimutan, milyon din ang bilang nila.
Luneta, Manila
January 18, 2015