ni Shannia Cabuello
Pangatlong taon ko na sa kolehiyo. Pinili ko ang kursong ‘to para matutong sumulat. Sabi ko, ito na lang ang pinakamadaling paraan para mapalapit ako sa totoo kong pangarap.
Mula unang taon ko, pinaka-tumatak talagang bawal daw ilagay ang sarili sa kwento. Kumbaga, matuto kang ihiwalay ang sarili sa naratibo. Tagapagsalaysay ka lang. Sa iyo ang papel at tinta pero hindi ang boses. Nasa likod ka lang ng kamera. Makikinig ka para sumulat kaysa sumulat para mapakinggan.
Natuto naman akong lumubog sa masa. Natuto akong alamin at isulat ang kwento nila. Natuto rin akong sumigaw para ipaglaban ang karapatang ipinagkakait sa kanila.
Pero ngayong sampung storya ang kailangan naming ilabas, parang nanghihina ako. Biglang wala na akong maisulat. Biglang sinampal ako ng katotohanan.
Isa pa rin akong batang natutulog sa maliit na kwarto. Salamat pa rin sa papag kahit siksikan. Katabi ang buong pamilyang pinipilit matulog kahit bukas ang ilaw. Pasalamat akong may kuryente, pero magdamag itong nakasindi para bantayan ang mga dagang nang-aagaw ng tahanan.
Imbes mag-transcribe ng ilang panayam galing sa ilang case study, pipilitin kong matulog dahil maaga pa ako kinabukasan. Hindi ako pwedeng kumuha nang kumuha ng coverage lalo’t mas kailangan kong piliin kung saan ako mabubuhay. Cliché man pakinggan, hindi talaga patas na kailangan ko pang magtrabaho para may maipanglaman-tiyan.
Nasasaktan ako sa tuwing ngayon lang nalalaman ng mga kaklase ko ang problema ng mga empleyado gayong tatlong taon ko na itong hinaharap. Sinusubukan kong alisin ang sarili sa naratibo. Ayaw ko rin namang kalikutin pa ang mga sugat ko sa kamay dahil mamaya madadagdagan na naman ito.
Pero nasasaktan ako sa ideyang kailangan ko lahat ‘tong malaman dahil direkta ko itong nararanasan.
Paano ako matututong magsulat, kahit sumubok man lang, tungkol sa ibang manggagawa kung alipin din ako ng kapitalismo?
Okay na sa aking walang benepisyo para walang kaltas. Overtime labor kahit walang overtime pay. Part-time job kahit walang regularization, basta may kita.
Paano ko maaatim sumulat kung paulit ulit kong maririnig na hindi lang ito karanasan ng isa, kundi ng marami pang gaya ko? Nagsusulat ako tungkol sa mga karanasan ko pero kailanman wala ‘tong narating. Naririnig ng ilan ang galit ko pero hindi ako pinapalaya nito.
Ilang balita pa ba ang kailangang isulat para makuha ng mga manggagawa ang sapat na sahod at benepisyo para sa kanila? Ilang kwento pa ba ang magpapatunay na hindi tayo mahirap na bansa pero naghihirap tayo dahil sa pagkamkam ng yaman ng mga kapitalista?
Araw-araw kang galit kasi araw-araw kang may pagod na hindi natutumbasan ng buhay.
Imbes magsulat tungkol sa mga ito, parang gusto ko munang maging malaya mula rito. Paano ako lulubog sa piling ng masa kung nakalubog pa ako ngayon?
Kung puro ganitong paksa ang kailangang isiwalat, sana dumating ang araw na wala na akong maisusulat. #
= = = =
Ang may akda ay mag-aaral ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.








