[FIRST PERSON] EDSA, kaarawan at Oishi 2022

Ni Amy V. Padilla

Ipinanganak ako sa panahon ng Martial Law. Ang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. na ang kinagisnan kong presidente hanggang sa mapatalsik ito ng mamamayang Pilipino noong 1986 Edsa People Power. Isang event at petsa na minemorya lang ang Martial Law. Sa madaling salita, buong formative at elementary years ko ay lansakang mga kasinungalingan na ng ‘golden years’, ‘peace and order’ at maayos na pamumuhay ang tinuro sa paaralan.

Kung dati si Maricel Soriano lang alam kong ka-birthday ko, mula nang 1986 ay lagi nang may tambal na Edsa at komemorasyon.

May mga kalat-kalat akong alaala bilang bata bago mag People Power. Tumatak sa akin ang matinding kagutuman ng mga sacada ng Negros, at dahil ito sa makapangyarihang larawan ng batang malnourished na kalaunan ay namatay. Naririnig ko ang usapan ng mga matatanda sa bahay – mataas na presyo ng langis, bilihin, maraming gutom – na hindi ko pa intindi. Ang naging intindi ko lang ay ganito rin ang sasapitin namin kaya inipon ko ilang natirang barya mula sa baon, pumunta sa sari-sari store at bumili ng mga tsitsiriang Oishi at Kirei prawn crackers para may pagkain kami. Nilagay ko pa ito sa cabinet at sinabi sa Nanay ko. Natawa sya.

Noong 1983 ng pinapatay ng diktador na si Marcos ang dating Senador Benigno Aquino, naiyak ang aking Nanay. Hindi ko unawa bakit.

Bago mapatalsik ang mga Marcos at patapos na ko ng elementarya, ang isa kong Tita naman ay nagpakilala sa akin ng akda ni Renato Constantino na “The Miseducation of the Filipino”. Nagsikap akong unti-unting basahin at unawain sa abot ng makakaya – na napakasalat. Ngunit dito ang simula ng unawa ko ng kolonyalismo at paggamit ng edukasyon para isulong ang interes ng mananakop. [Sa pagtanda na ang unawa sa papel ng ruling elite sa pananatili nito at ng imperyalismong US.]

Noong Edsa 1986, nakisali lang ako sa mga matatanda sa bahay sa pagmonitor ng balita; hindi nagtagumpay makalabas ng bahay ang Nanay ko dahil sa higpit ng lolo ko. Pero ng sumunod na taon, sinama ako ng Nanay ko sa Edsa para gunitain ito. Masaya ang atmosphere.

Kung kaya malaki ang pagpapasalamat ko sa aking Nanay at aking Tita na hindi pulos boladas ng rehimeng US-Marcos ang natanim sa akin bilang bata. Ang mga magulang ko ay kapwa mga kabataang aktibista noong dekada sitenta. Turing kong badge of honor na luwal ako ng mga kabataang mulat at kumilos sa partikular na sirkumstansya nila noon.

Pinatalsik ang mga baseng militar ng US sa huling taon ko high school – marginal lang sya sa akin habang nagkukumahog pumasa sa NCEE (eto pa dati) at college entrance exams. Ngunit sa Catholic high school nasimulang mabuo ang diwa ng paglilingkod sa kapwa, bagaman wala pa sa lente ng makauring pagsusuri.

Sa pagpasok ko ng kolehiyo, unti-unting mas nasistematisa ang unawa sa lipunang Pilipino lalo sa ilalim ng diktadurya – ang pangangayupapa sa US sa neoliberal na mga patakaran (para manatiling bansot, atrasadong agraryo, pre-industrial ang ekonomiya) at mga malalaki nitong base militar, burukrata kapitalismo na crony capitalism ni Marcos, pandarambong, at talamak na human rights violations.

At ano ang partikuar na kalagayan noong 1983 na nag-Oishi panic buying ako? Kasagsagan ng foreign debt borrowing binge ni Marcos na may kaakibat na austerity measures na lalong nagpahirap sa ordinaryong mamamayan. Sa tindi ng pangungutang ng diktador, Pilipinas lang ang tanging bansang bansa sa Asya na kumaharap ng debt crisis.

Sa tuwirang pakikisalamuha at pakikisangkot sa isyung masa mas luminaw ang lagim ng diktadurya –  lalo na ng makilala at makasamang kumilos ang mga biktima nito gaya nila Ka Satur Ocampo, Crispin Beltran at napakarami pang iba.

Hindi hugot sa hangin ang tala ng Amnesty International na mula 1971 hanggang 1981, nasa 72,00 ang nakulong; 34,000 ang tinortyur at 3,240 ang pinatay. Ang mga pangalan ng martir ng Martial Law, kabilang ang nagsulong ng armadong pakikibaka para labanan ang diktaduryang US-Marcos, ay nasa Bantayog ng mga Bayani.

Isang ‘shining moment’ sa ating kasaysayan ang Edsa People Power na nagsilbing inspirasyon sa buong mundo. Akumulasyon ito ng mahabang panahong paglaban ng mga mamamayan sa matinding pahirap ng rehimen, bunsod pangunahin ng napakalalang krisis pangekonomiya.

Subalit hindi nito binago ang pundamental na karakter ng lipunang Pilipino na malakolonyal at malapyudal; ang paghahari at pagsasamantala ng iilan sa mayoryang naghihirap na mamamayan; at ang kontrol ng imperyalismong US. Wala namang ilusyon na sa isang iglap ay maisasakatuparan ang pambansang demokratikong interes at kahilingan ng batayang masa na hindi nababago sa saligan ang moda ng produksyon.

Ngunit maraming aral ang Edsa na mahalaga. Ang sama-samang pagkilos ng mamamayan laban sa tiraniya at diktadurya para sa demokrasya. Ang maninidigan para sa interes ng mga mahirap at api, na ubod ng Kristiyanong panananampalataya na ‘love thy neighbor’ o ‘serve the people’ sa aktibistang turan. Lalo ngayon, ang labanan sa abot ng ating kayanin na huwag manumbalik ang mga Marcos sa Malacanang at manatili ang copycat Duterte sa poder sa pamamagitan ng anak. Ang pabulaanan ang malawakang historical revisionism at distortion na aktibong ginagawa ng mga Marcos.

Sinuka, pinatalsik na ng bayan ang pamilyang Marcos. Nasa kasaysayan maging ng buong mundo ang pandarambong, pagpatay at pagpapasasa sa nakaw na yaman. Hindi na sila dapat manumbalik pa at bagkus, dapat papanagutin sa mga krimen at kasalanan sa mamamayang Pilipino.

Tatlumpung-anim na taon matapos ang Edsa People Power, malayo na inabot ng unawa mula sa petiburges, musmos Oishi panic-buying ng dekada otsenta. Dapat namang may pagkatandaan. Ngunit mas marami pang aral na hahalawin sa praktika at teorya – kabilang ang mula sa mga nakakatandang naghahawan ng landas, gumagabay sa susunod na mga henerasyon. Lalo sa pagdiin ng ating abang mortalidad sa panahon ng pandemya, mahalaga ang legacy na iiwan.

Sa aking sariling salinlahi na lumaking mulat at may pagmamahal sa bayan, at mga nakababatang naging kasama na naimpluwensiyahan kahit papaano sa iba’t-ibang kapasidad at paraan, gaano man kamunti – may assurance na may magpapatuloy ng laban. The kids are alright, ika nga. Maligaya sa pagtanda, still.

Never Again. Never Forget.

No to Another Marcos in Malacanang!

= = = =

Ang may akda ay nagdiwang ng kanyang kaarawan sa EDSA People Power Monument kahapon, Pebrero 25. Hindi alam ng Kodao kung ilang taon na siya.