Dukot
ni Ibarra Banaag
Tuwing may naglalahong bigla,
napapaos maging hibla ng salita,
at paghinga’y di na maulinigan,
bakas ang takot sa sinakmal.
Langitngit ng kawayang sahig,
kaluskos ng may maiitim na balak,
pagmamanman sa bawat galaw,
sa siwang ng gulanit na dingding.
‘Di sapat ang kumot para ikubli,
katawan at putla ng panginginig,
duguang banig na saksi sa papag,
ang bantay sa ungol ng magdamag.
Walang ligtas na oras at lugar,
matao man o banal na altar,
walang pangingimi at pinipili,
ang utos ng maiitim na budhi.
Kabi-kabila ang mga pagtatangka,
pagdukot at iligal na pagkukulong,
walang puknat sa panliligalig,
nagbabakasaling sila’y mapatahimik.
Datapuwat g’ano man mapanganib,
kahit pa ang balde sa dugo’y tigib,
hatid ng kamay na siyang kumikitil,
ang mga Juan mas piniling tumindig!
Diwang mapanlaba’y nag-uumapaw,
nagsisikhay na talunin ang magdamag,
sa gayon pagsikat ng araw sa umaga,
nakaluhod ang mga mapagsamantala!
–Abril 16, 2023