Defend Mindoro Network, inilunsad sa ikalawang araw ng SONA Caravan ng Timog Katagalugan

Ulat ni Alvinson V. Aligam

QUEZON CITY — Inilunsad ang Defend Mindoro Network, isang alyansa na naglalayong ipagtanggol ang karapatan, kabuhayan, at kalikasan ng mga mamamayan ng Mindoro sa gitna ng patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa isla noong Sabado, Hulyo 26.

Ginanap ang paglulunsad sa pamamagitan ng isang press conference sa Commission on Human Rights bilang bahagi ng ikalawang araw ng SONA 2025 Caravan ng Timog Katagalugan.

Ano ang Defend Mindoro Network?

Ayon sa tagapagsalita ng network na si Erbel Borreta, matagal na ang plano para sa Defend Mindoro Network bilang tugon sa patuloy na paglabag ng estado sa karapatang pantao sa isla sa iba’t ibang anyo ng karahasan, kabilang ang matinding militarisasyon.

“Nabuo ang Defend Mindoro Network para pagkaisahin at magkaroon ng malinaw na representasyon at organisasyon ang mga mamamayang Mindorenyo na lumalaban para ipagtanggol ang isla ng Mindoro laban sa paglabag sa karapatang pantao, sa matinding militarisasyon, sa pasistang panunupil, at upang ipaglaban ang lupang ninuno at kalikasang hinuhuthot ng mga proyekto ng mga dayuhang korporasyon,” ani Borreta.

Paglulunsad ng Defend Mindoro Network sa Commission on Human Rights (Larawan nii Nuel M.Bacarra/Kodao)

Pinagkakaitan ng Karapatan sa Sariling Lupa’t Kalikasan

Ibinahagi ng ilang tagapagsalita mula sa mga katutubong komunidad at sektor ng agrikultura na si Vivian Balanza, ang kanilang mga personal na karanasan hinggil sa tuloy-tuloy na pagyurak sa kanilang karapatang pantao. Ayon sa kanila, sa kabila ng yamang likas ng Mindoro, nananatiling salat ang isla sa batayang serbisyo tulad ng edukasyon, serbisyong medikal, at maayos na kabuhayan. Kaya’t muling binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbubuo ng mga network at pagkilos ng mamamayan upang maisulong ang kanilang panawagan.

Binanggit ng mga grupo na ang likas na yaman ng Mindoro—kabilang ang kagubatan, kabundukan, at yamang-lupa—ang siyang dahilan kung bakit patuloy itong tinatarget ng malalaking kapitalista at dayuhang korporasyon. Dagdag nila, kasabay ng malawakang pagkasira ng kalikasan ang tumitinding militarisasyon at mga paglabag sa karapatan ng mga katutubo.

Mula sa pambobomba sa kabundukan hanggang sa sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad ng Mangyan, sinasabi ng mga tagapagsalita na ginagawa ang mga ito upang bigyang-daan ang mga proyektong pinopondohan ng dayuhang puhunan. Dulot nito ang mas matinding sakuna at kahirapan, tulad ng matinding pagbaha, na kasalukuyang nararanasan ng mga taga-Mindoro.

Dagdag pa nila, hindi lamang lupa ang inaagaw kundi pati ang kanilang karapatang ipaglaban at protektahan ang kalikasan ng Mindoro. Naninindigan ang mga katutubo na hindi maaaring paghiwalayin ang kanilang kabuhayan, kultura, at ang kalikasang bumubuhay sa kanila.

“May gobyerno pa rin bang naaawa sa mga katutubo? Bakit ganito ang ginagawa sa amin? Kami ho, hindi naman kami nanghihingi sa kanila. Kami po ay naghahanapbuhay para sa sarili. Bakit kami inaapi?” pahayag ni Balanza.

Ang katutubong Mangyan na si Vivian Balanza sa paglulunsad ng Defend Mindoro Network. (Larawan ni Nuel M. Bacarra/Kodao)

Ayon pa sa kanya, dahil sa kakulangan ng suporta mula sa gobyerno, napipilitan silang magbanat ng buto mula pagkabata upang may makain at matirhan. Ngunit kahit sariling lupa ay ipinagkakait sa kanila na isang bagay na para sa kanila ay hindi lamang paglabag sa karapatan kundi isang tahasang pag-abandona ng estado sa obligasyon nitong pangalagaan ang mamamayan at kalikasan.

Hindi ito Terorismo, Hindi Kami Terorista

“Ayon sa Mikas 6:8: Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos. Hindi ito terorismo at hindi kami terorista.”

Ito ang mariing pahayag ni tagapagsalita mula sa sektor ng simbahan, si Rev. Glofie Baluntong ng United Methodist Church na nagbahagi ng kanilang karanasan sa pakikipamuhay at pagtulong sa mga katutubong Mangyan sa Mindoro bilang bahagi ng gawaing makatao.

Ayon sa kanya, ang kanilang ginagawa ay walang iba kundi ang makipamuhay, maglingkod, at magbigay ng suporta sa mga komunidad na matagal nang pinabayaan ng estado. Ngunit sa kabila ng taos-pusong layunin, nakaranas sila, kasama ang iba pang mga pastor, ng iba’t ibang porma ng paninira, panggigipit, at karahasan.

Ibinahagi rin niya na may ipinakitang peace agreement ang estado, ngunit hindi ito pinirmahan ng kanilang sektor, dahil wala naman silang nilalabag na batas at ang kanilang tanging layunin ay maglingkod at tumulong sa mamamayan ng isla. Sa halip, isinangkot pa umano sila sa gawa-gawang kaso gaya ng pagdidiin sa ilalim ng Anti-Terrorism Law.

Alay para kay Jay-el Maligday

Ayon sa mga tagapagsalita, isa sa mga matinding dahilan kung bakit kinakailangang buuin ang Defend Mindoro Network ay ang kaso ng pamamaslang kay Jay-el Maligday, isang kabataang Hanunuo-Mangyan na pinatay ng militar noong Abril 7, 2024. Pinalabas siyang kasapi ng New People’s Army (NPA) ngunit mariing itinanggi ito ng kanyang komunidad at mga kaanak. Ang kanyang pagkamatay ay sumasalamin sa sistematikong pag-atake at kriminalisasyon sa mga katutubo sa isla ng Mindoro, anila.

Mga larawan ng karahasan sa Mindoro. (Larawan ni Nuel M. Bacarra/Kodao)

Tumindig para sa Mindoro sa SONA 2025

Ayon sa pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Cristina Palabay: “Tumitindig tayo sa Mindoro. Tumitindig tayo sa Timog Katagalugan. Tumitindig tayo para sa lahat ng mamamayang binababa, pinapahirapan, at pinagkakaitan ng katarungan. Tumitindig tayo para sa bayang inaapi.”

“Laban Mindoro, Laban Timog Katagalugan,” himok ni Palabay.

Sa darating na SONA 2025 sa Hulyo 28, buo ang paninindigan ng Defend Mindoro Network na isulong ang mga panawagan para sa hustisya, karapatan, at kalikasan ng bawat mamamayan at katutubong Mindoro gayundin

Matapos ang press conference, nagsagawa rin ng indignation rally ang Defend Mindoro Network, kasama ang iba’t ibang progresibong organisasyon, bilang pagpapahayag ng pagkadismaya sa naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng impeachment laban kay Sara Duterte, at upang igiit ang pananagutan, lalo na sa umano’y paglustay ng pondo ng bayan—pondong maaari sanang ilaan para sa serbisyong publiko sa mga lugar gaya ng Mindoro. #