Ang dyip ni Gorio at buhay sa kalsada

Mamang Tsuper bakit ulo ay nakadayukdok,

Ang tandang ay kanina pang maaga tumitilaok

Bakit di pa hinahawakan ang lumang manubela,

Sa biyaheng nagtatapos lagi sa perang iintrega.

 

Makatwiran na magalboroto sa natitirang barya,

Dahil sa sobrang itinaas, presyo ng gasolina,

Sa labingwalong oras na iyong pamamasada,

Sardinas man ay di kakayanin na iuwi sa pamilya.

 

Mamang Tsuper nakasosora ba sa pandinig,

Ang paghinto ay di dahil sa tawag ng pasahero,

Kundi hatid ng krisis at kawalang pagmamalasakit,

Mga TRAPOng sa problema mo’y walang-paki.

 

Tuyo na ba ang pawis sa twalya na “good morning”,

Na sa iyong balikat ay palagian na nakauyabit.

Biyaheng sinasalubong ng ulan at hanging mainit,

Maitim na usok ng sekondamanong dyip.

 

Sa maraming dekada na dumaan o lumipas,

Sagsag sa kalsada sukdang ikaw ay kumaripas,

Para ang anak na nasa kolehiyo ay makapagtapos,

Baka sakaling itong paghihirap ay matagpos.

 

Sa karinderya ni Aling Iska ikaw ay hinihintay,

Para uminom ng kape ,kasama ng pandesal,

Kapwa drayber sa paradahan ay nag-aabang,

Sa pila ng mga suking pasahero na isasakay.

 

Hanggang kailan ka ba maghahalukipkip,

Sa halaga ng krudo at bilihing sumisirit,

Ang mata ba’y mananatiling nakapikit sa langit,

At hayaan ng manguluntoy ang braso sa init.

 

Dati ang kalaban ay drayber sa linya ay iskirol,

Nilulunod kayo ngayon ng todong deregulasyon,

Pribatisayon at gawang batas ng burukrata,

Bakit hahayaang ihinto, rebolusyon ng makina.

 

Ibarra Banaag

Hunyo 23, 2022