Ama nila
Ama nila,
Nasa malakanyang ka,
Sinasamba ng mga hangal ang ngalan mo,
Napapasa-amin ang kahibangan mo,
Sinusunod ng mga panatiko ang loob mo,
Dito sa lupa,
nabubuhay kang parang nasa langit,
Alimura, kabastusan at bala ang iyong pinapakain
sa amin sa araw-araw,
Wala nang makapagpapatawad sa iyong mga sala,
Gaya ng galit namin sa pambabalahura mo sa amin,
Palagi mong ipinapahintulot sa amin ang de-lubyo,
At iniaadya mo kami sa ganap na paglaya.
Ang kaharian, ang kapangyarihan
at kaluwalhatian ay nasa iyo,
ngayon ngunit hindi magpakailanman.
Ang kasaysayan ay sa Amin. Amin. Amin.
-Bryan Costa
(Ang makata ay pumanaw sa sakit sa puso kamakailan.)