By Ibarra Banaag
Aba, kudos kung gano’n,
Matalino ka kung gayon!
Pagbati ko ay padayon,
Sa bukangbibig ngayon.
Ang laki ng ‘yong iniunlad,
Ubod na ng lalim ang alam,
Ang lawak na ng kaisipan,
At nakapanig sa katwiran.
Hindi ka na yata allergic,
Salitang dati ay ikinaiinis,
Sumisigaw ng due process,
Galit na sa illigal arrests.
Sumasama ka na sa rally,
Taas kamao at nagsasabi,
Nasaan na ang rule of law,
Nababalasubas na ngayon!
Soberenya ay ipaglaban,
‘Wag pasakop sa dayuhan,
Kumbinsido’t naninindigan,
Ang katwiran ay niyurakan.
Tutol sa illigal detention,
Ako naman ay sang-ayon,
Pati ang right to counsel,
Maging medical attention.
Andon ka sa “peace rally”,
Hawak kandilang may sindi
Na ang gabing madilim,
Lumiwanag kahit sandali.
Sobra na ang impunity,
Hindi natin need ang ICC,
Di-service at injustice,
Sa ating sovereignty.
Lahat ng ‘yan ay bago,
Wow at nakakapanibago,
Ngunit para ba kanino
Ang biglaang pagbabago?
Sana’y di ka i-red-tag,
Madukot at isilid sa bag,
Matulad sa desapericidos,
Ni anino’y di matunton.
Sana ang “pagkamulat”
Di maiiwang nakamulagat.
At ang tindig na makabayan,
Di pang-uupat ng dayuhan.
Ituloy mo lang kaibigan,
Tuluyan na mahimasmasan,
Ang payo ko ay tibayan,
Ng hindi na magulangan.
–Marso 22, 2025








