Walang puntod

ni JL Burgos

Nais ko ring maglinis ng puntod katulad ninyo.
Makihalubilo sa mga kamag anak
habang inaalala ang mga panahong magkasama
ng nasa puntod na binisita.

Nais ko ring magalay ng bulaklak sa nitso.
alam kong kakaiba ang hiling ko
di katulad ng karamihan na hangga’t maari
ay walang nitsong pupuntahan.

Nais ko ring magtirik ng kandila
habang tumutulo ang luha sa lupa.
Pero wala ako/kaming puntod,
pinagkakait ang panahong magluksa.

Kadalasan ang puntod
ang sinasabing katapusan.
Pero minsan sa aming walang puntod
ang nitso ang simula ng katarungan.

Kami ay walang puntod.

-November 1

(Pasintabi kay Ipe Soco na may kahintulad na pamagat na tula. Dinukot ng mga militar ang nanay ni Ipe. Katulad ng kapatid kong dinukot na hanggang sa kasaluluyan ay di pa rin natatagpuan)