ni Piolo Cudal
Maagang nagising si Adrian. Napagkasunduan kasi nilang magkakaibigan na magkikita sila sa isang bakanteng lote na tatlong pader ang layo mula sa kanilang bahay.
Mistulang kain-militar ang binata, nagmamadali sa sobrang pananabik. Pagkatapos kumain ay kagyat siyang nagtungo sa likod ng kanilang bahay para maghanap ng lata.
Anito sa ina, maglalaro raw kasi sila ng tumbang preso. Nakakita siya ng lata ng sardinas. Nilinasan at hinugasan nya rin ito. Pinulot niya rin ang luma niyang tsinelas na may tatak na sandugo.
Matibay kasi ito, at kayang yumupi ng lata lalo na kapag magaling kang umasinta. Ito raw ang kaniyang magiging pamato.
Habang naglalakad nakasabay niya ang ilan pa niyang kaibigan na tila sabik din sa kanilang lalaruin. Paborito kasi nila ito.
Sila Kian, Bong, at Rudy, na pare-pareho ring may bitbit na lumang sandugo. Katulad ni Adrian, mukhang ito rin ang gagamitin nilang alas para manalo.
Kung sinuswerte nga naman, nakaligtas sa pagiging taya si Adrian. At sa unang pagkakataon, si Kian ang hindi nakapagpatayo ng lata kung kaya siya ang naging taya.
Unang sumubok si Adrian sa pagpapatumba ng lata, ngunit pumalya. Sinundan nang may buwelong pagtira ni Rudy at Bong ang pag-asinta sa lata.
Sapul. Nakakagulat.
Imbis na tumakbo para kunin ang pamato, naistatwa si Adrian.
Tumba. Tumumba si Kian.
Kasabay nito ang pagsambit niya sa hangin ng mga katagang,
Mabuti pa ang lata naibabangon at nabibigyan ng tsansa
Ako’y pinatumba at hindi binigyan ng kahit isa.








