Ni Renato Reyes Jr. / Presidente, Bagong Alyansang Makabayan
NGAYONG ARAW ay naghain ang Bayan at Makabayan ng kasong impeachment laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa betrayal of public trust. Sa darating na linggo ay inaasahan naman ang paghahain ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte. Ngayon lamang magkakaroon ng magkasabay na impeachment proceedings laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

A. Bakit naghain ng impeachment laban kay Marcos Jr?
Ang paghahain ng impeachment laban kay Marcos Jr. ay dahil sa papel ng Pangulo sa sistematikong korapsyon sa gobyerno at kanyang tuwirang pakinabang dito. Ang “grounds for impeachment” ay “betrayal of public trust” o pagkakanulo sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng publiko bilang pangulo. Saklaw nito ang pagtataguyod ng isang sistema ng korapsyon sa DPWH sa pamamagitan ng “allocables” o entitlements para sa mga opisal ng gobyerno kaugnay ng mga infrastructure projects – na siyang nagbibigay daan para sa koleksyon ng mga kickbacks, ang walang kaparis na paglobo ng unprogrammed appropriations na ginamit para pondohan ang mga maanomalyang flood control projects (presidential authorization) at ang pagtanggap ng mga kickback mula sa mga proyekto sa pamamagitan ng kanyang mga opisyales, batay na rin sa salaysay ni dating DPWH USec Robert Bernardo.
B. Bakit maghahain ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte?
Ang muling paghahain ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte ay resulta ng pagkakaudlot ng naunang impeachment dahil sa resolusyon ng Korte Supreme na gumamit ng teknikalidad at nagsabing void ang naipadalang articles of impeachment sa Senado noong Pebrero 5, 2025. Bagaman may pending Motion for Reconsideration pa sa Korte Suprema ay hindi na natin ito hihintayin at itutuloy na ang filing ngayong Pebrero 2026. Ang batayan pa rin ng impeachment ay ang paglulustay sa P612 million na confidential funds ng OVP at DepEd.
K. Bakit kailangang may dalawang impeachment complaints?
Sa diwa ng panawagang “Lahat ng sangkot dapat managot, simula sa tuktok!” naghahain ang iba’t ibang grupo ng kasong impeachment laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. Ang impeachment ay isang paraan ng accountability ng mga matataas na opisyal. Ginagawa ito dahil kailangang magkaroon ng resolusyon ang pinakamalalang usapin ng korapsyon sa ating bansa ngayon.

D. Hindi ba nakakahiya sa mundo at masama sa ekonomiya na ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay kumakaharap ng impeachment?
Ang totoong nakakahiya at nakasasama sa ekonomiya ay ang laganap at sistematikong korapsyon at ang kawalan ng pananagutan dito. Ang tunay na trahedya ay ang pagnanakaw sa taumbayan. Ang impeachment ay isang paraan para mapanagot ng mamamayan ang kanilang mga opisyal. Maaari itong isampa ng sinumang indibidwal na naghahanap ng accountability sa gobyerno.
E. Kapag nag-endorso na ng impeachment kay Marcos ay hindi na maaaring mag-endorso pa ng impeachment kay Duterte?
Hindi ito tama o naaayon sa batas. Magkaiba ang impeachment ni Marcos at impeachment ni Duterte.
G. Ang paghahain ng impeachment kay Marcos ay nangangahulugang nais nating pumalit na presidente si Sara Duterte?
Hindi. Kaya nga dalawa ang impeachment complaints (Marcos at Duterte) ay dahil pareho silang may pananagutan sa korapsyon. Ang paghahain ng impeachment kay Marcos ay hindi nangangahulugan na nais nating si Sara Duterte ang maging pangulo.
H. Ano ang dapat gawin ng Kamara at Senado?
Marapat na dinggin ang mga impeachment complaints at sumailalim sa masusing deliberasyon ng Kamara at mula dito ay ipadala sa Senado bilang articles of impeachment.

I. Hindi niyo ba alintana na hawak ni Marcos Jr. ang supermajority sa Kamara?
Ang paghahain ng impeachment at paghahangad na mapanagot ang mga korap ay hindi nakasalalay sa political alignments at mayorya ng Kamara. Naghahain tayo batay sa suri sa ebidensya at hindi batay sa mayorya ng nakaupong mambabatas, o sa tsansang makukuha ang sapat na bilang. Alam natin na pulitikal ang impeachment at may posibilidad ma haharangan ito ng mga alyado ng pangulo. Higit na mahalagang tatayong hurado ay ang taumbayan.
Mahalagang mabatid din nila kung paano tayo pinagnanakawan. Pero kung ebidensya lang ang pagbabatayan, kung patas lang ang labanan, tiwala tayo na malakas ang complaint na inihain natin. Bantayan natin ang proseso, talakayin natin ang nilalaman ng hinaing reklamo. #







