Tula ni Pia Montalban
Tahimik si Eric
nang bumaba sa Recto,
bitbit ang pawis,
at konting barya sa bulsa.
Hindi siya bayani,
hindi rin rebelde.
Isa lang siyang taong
nagtitipid ng pamasahe,
walang pang Grab,
walang pang InDrive,
walang pang Maxim,
walang pang Angkas,
walang pang Move It.
Ang meron lang,
barya pang Sarao.
Pero sa kanto ng gabi,
sa avenidang kumukulo ang galit
sa kaarawan ng diktadura,
at pumuputok ang bilyong nakaw
sa mga palpak at pahamak
na imprastraktura,
umulan ng bala
sa mga nanakawang masa.
Sabi nila, walang baril at tear gas.
Pero duguan ang kalsada.
Maximum tolerance,
ang tawag nila
sa maximum brutality.
Si Eric,
manggagawa, kontraktuwal,
pagod, tahimik,
taong may buhay,
pangarap, at pamilya.
Hanggang pinaslang nila,
na parang walang halaga.
Ngayon, kandila na
ang nagbabantay sa pangalan niya.
At bawat sindi,
ay apoy ng galit
at liwanag ng paglaban.
Sa mga lansangan,
may mga tunog ng tambutso
na parang pag-iyak ng lungsod.
At sa bawat businang dumaraan,
may tanong na hindi nagpapatulog.
Hanggang kailan?
Hanggang kailan tayo
magbabayad ng dugo
sa mga bala ng gobyerno?
Tahimik si Eric,
pero sa bawat hampas ng habagat,
sa bawat kandilang muling sinisindihan,
naroroon siya,
nagsasabing:
“Tayo ang ninanakawan.
Huwag na tayong mananahimik.”







