Ni Ron Magbuhos Papag
Sabihin nyo sa amin
Sino’ng marahas?
Kami bang mga tinimawa?
O kayong ngumangawa
Habang sa pera ng bayan
Kasama kayong tumitiba?
Karahasan
Sabi n’yo
Ang magngitngit
Sa mga nag-imbot
Ng hindi sa kanila
At hindi pinagpawisan.
Ginugutom ninyo
Ang mga bata,
Pinasasakmal
Sa lamig
At tinutupok
Sa init ng araw
Ang mga walang bubong
at dingding.
Pinapanatili n’yong mangmang
At hindi nakapag-aral
Upang hindi matuto
At huwag kayong sumbatan.
Ang mga manggagawa
Binabarat habang kinukuba
Ngunit kinakamal n’yo ang kita.
Ilang bata sana ang napakain
Ilang bahay ang naitayo
Ilang kabataan ang nakapag-aral
At ilang pamilya
Ang umayos ang buhay.
Sa inyong pagpapasasa,
Sabihin n’yo sa amin
Sino’ng marahas?
Kami bang mga biktima?
O kayong ngumangawa
Habang sa pera ng bayan
Kasama kayong tumitiba?
Hindi kami magpipikit ng mata.
Hindi kami magtatakip ng bunganga.
Hindi magkukuyom lang ng kamao.








