Teksto at Larawan Ni Nuel M. Bacarra

Mga kabataan ang malaking bulto sa ginanap na protestang “Baha sa Luneta” noong Setyembre 21. Mula sa Luneta hanggang Mendiola, kasama sila sa martsa, nakipagpaligsahan sa lakas ng sigaw sa iba pang sektor, nakipaghamok sa pulisya at naging biktima ng malawakang hulihan at karahasan.

Sila ay mga estudyante, mga taga- komunidad, manggagawasa pabrika at mga upisina. Ang isang katiyakan, galit sila sa nakakagalit na katiwalian sa pamahalaan, sa sabwatang nagaganap sa iba’t ibang sangay ng gubyerno para makapandambong. Sawang-sawa na sila sa paglusong sa baha tuwing panahon ng tag-ulan, sa kabulukan ng sistema sa edukasyon, sa mga demolisyon sa mga maralitang komunidad, sa pambobomba sa kanayunan para ipilit ang mga proyekto ng malalaking negosyo katulad ng pagmimina.

Nakapako ang sahod ng mga manggagawa sa pabrika habang ang mga kawani ng gubyerno, kasama ang mga guro sa mga pampublikong paaralan at mga manggagawang pangkalusugan, ay subsob sa trabaho. Ito ay habang salat sa mga benepisyong dapat nilang tinatamasa kapalit ng kayod-kabayong pagtatrabaho.

Nakatutok ang pansin ng gubyerno sa pagpapalaki ng inilalaang pondo sa militar, sa mga proyektong imprastrukturang na ang kiling ay para lamang sa pagpapabilis ng pagkakamal ng tubo ng malalaking namumuhunan at kapritso ng ilang nagpapayaman sa kapangyarihan.

Napipilitan minsan ang mga kabataan na tumigil sa pag-aaral para dumiskarte ng pagkakakitaan — nagiging manininda sa palengke, kargador sa pier, kubrador ng jueteng, barker, at marami pang iba. Kung minsan, kailangan pa nilang umakyat sa bus para manghingi ng tulong sa mga pasahero dahil may kapamilyang nasa ospital.

Kaya maraming ring kabataan ang namumulat sa katotohanang may kailangang baguhin sa sistemang ginalawan at nagiging aktibistang lumalaban o dili kaya ay nagpasyang suungin ang mas mataas na anyo ng pakikibaka na sa tingin nila ay siyang nararapat para baguhin ang sistemang natutunan nilang kamuhian.

Sa panahon ng matinding krisis, balisa ang kabataan. Sa ganitong pagkakataon, nagiging agresibo sila tulak ng kagustuhan para sa pagbabago.

Maaaring marami pa ang makaaalala sa Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 kung saan naganap ang Battle of Mendiola noong Enero 26, 1970 sa panahon ng State of the Nation Address ng diktador na si Ferdinand E, Marcos Sr. Apat na kabataan ang nagbuwis ng buhay sa labanang ito na pinangunahan ng Kabataang Makabayan, isang rebolusyonaryong organisasyon ng kabataan. Ito ang mukha ng dahas ng estado na marapat alalahanin at hanggang ngayon ay nararansan ng mamamayan sa kamay ng armadong pulis, militar at paramilitar at mga batas na sumusuhay sa pandarambong at dahas laban sa mamamayan.

Sa panahon ng rehimeng Marcos Jr. pumutok ang laban ng mga kabataan sa iba’t ibang unibersidad sa Kamaynilaan at mga kanugnog na rehiyon bitbit ang usapin sa malawakang korupsyon at paniniil. Tampok dito ang malalaking demonstrasyon ng mga kabataang-estudyante: UP Diliman, UP Los Baños, Bulacan State University; Isabela State University, Pampanga State Agricultural University, Cagayan State University, University of Sto. Tomas; Far Eastern University, De La Salle University, Ateneo de Manila Unviersity, College of Saint Benilde, Polytechnic University of the Philippines, atbp. Muling naging aktibo ang mga kabataang-estudyante sa ilang unibersidad at kolehiyo rin na nagprotesta na tahimik sa ilang taon.

Ang mawalakang pagkilos noong Setyembre 21 ay reaksyon ng mamamayang dismayado at muhing-muhi sa pangungurakot ng mga matataas na upisyal ng gubyerno, kabilang na sina Presidente Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte. Nalantad sa mga kabataan ang kabulukan ng burukrata kapitalismo sa bansa. Natural na tunguhin at operasyon ng mga burukrata kapitalista ang malawakan at sistematikong korupsyon at ang pagsuhay ng sistema ng pandarahas, ang pasismo ng estado, upang mapanatili ang sistemang kanilang pinakikikinabangan at pagpapayaman sa poder.

Sa nangyaring labanan sa Mendiola ng araw na iyon, lumabas ang pasistang pangil ng pulisya. Ang  pasismo ng estado ay kakambal ng sistema ng pagdarambong — ang litaw na mukha ng burukrata kapitalismo. May namatay dahil sa pamamaril ng pulisya, mga sugatan at mahigit 200 kabataan ang hinuli at pinahirapan.

Subalit hindi nagpatinag ang mga kabataan. Nitong Oktubre 17, humugos muli sa Mendiola ang humigit-kumulang 5,000 kabataan. Patunay ito na hindi sila nagpasindak sa dahas ng estado. Patuloy ang kanilang paniningil. Maliban pa sa nabanggit sa itaas ng mga unibersidad at kolehiyo, naging bahagi rin ng protesta ang mga estudyante mula sa San Beda University, Mapua University, Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology, National University, National Teachers College, San Sebastian College Recoletos, Unibersidad de Manila, at iba pa.

Ang kilusang kabataan at estudyante ay magiging mas komporhensibo at matatag kung ang kanilang pakikibaka ay iuugnay nila sa pakikibaka ng pinakapinagsasamantalahang sektor sa bansa — ang uring manggagawa at magsasaka. Sila ang tatangan ng malaking responsibilidad para maging materyal ang pagbabago ng sistema ng bansa.

Ang Baha sa Luneta noong Setyembre 21 at ang Pambansang Araw ng Pagkilos nitong Oktubre 17 ay puhunan ng mga kabataan para mas palakasin at konsolidahin ang kanilang hanay. Kung paanong walang pagkatinag ang mga nasa tuktok at galamay ng burukrata kapitalismo sa pagkakamal ng yaman at pandarahas sa mamamayan, mas dapat magpalakas ang kabataan upang komprontahin ang ugat ng suliranin sa bansa at iguhit ang kanilang natatanging papel sa lipunan bilang pag-sa ng bayan. #