Patuloy ang welga ng mga manggagawa ng CoreAsia
Ni Joseph Cuevas
Valenzuela City—Binisita ng International Solidarity Mission (ISM) at mga taong simbahan ang piketlayn ng mga manggagawa ng CoreAsia Paper Mills sa Bagbaguin sa Valenzuela City. Doon nakawelga ang halos 50 na manggagawa na tinanggal nang management matapos magtayo ng unyon.
Ayon kay Joseph Lorico, Internal Vice-President nang Pinagkaisang Lakas ng mga Manggagawa ng CoreAsia, hindi makatarungan ang pagtanggal sa kanila sa trabaho dahil sa piket protesta at welga simula noong Hulyo 2.
Samu’t-saring mga isyu ang inirereklamo ng mga manggagawa bago magwelga. Nariyan ang napakababang sahod para sa mga pahinante at drayber ng pagawaan na umaabot lamang sa P280 kada araw, gayundin ang sobrang habang oras na pagtratrabaho na aabot sa 10 hanggang 15 oras.
Dagdag pa ni Lorico, kahit ang pagpapagamot ay sila pa ang gumasgastos at nag-aayos. May isang insidente na halos maputol ang kamay ng isang manggagawa dahil naipit ito sa makina subalit siya pa ang nagasikaso ng kanyang SSS (Social Security Sytem) benefit.
Higit pa rito, ayon sa lider manggagawa, ipinapatupad ng CoreAsia ang sistemang kontraktwal. Sa halos 108 manggagawa, kalahati sa kanila ay kontraktwal at nakapaloob sa mga agency. Sapilitan din silang pinagresign nang kanilang iputok ang welga. Ginamit ng kumpanya ang Pulis Valenzuela na kumbinsihin sila na itigil na ang welga at magbubukas naman uli diumano ito sa katapusan ng Hulyo—isang malinaw na union busting o pambubuwag sa unyon ayon kay Lorico.
Dumagsa naman ang ibat-ibang grupo para suportahan at tulungan ang mga nagwewelgang manggagawa. Lumapit na din sila sa Department of Labor and Employement para makipag-ugnayan sa kaso nila, katuwang ang kanilang abugado.
Sa kanilang bisita, inalam ng ISM ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng gubyernong Rodrigo Duterte. Nalaman nila na nagpapatuloy ang kontraktwalisasyon sa sektor ng paggawa sa kabila ng pangako ng pangulong agarang tatapusin ang kontraktuwalisasyon. Dagdag pa, nalaman ng ISM na nagsasabwatan ang mga kapitalista at pulisya upang labagin ang karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng protesta o welga para sa mga demokratikong panawagan, tulad ng kasiguruhan sa trabaho, tamang pasahod at ligtas na pagawaan.
Ayon sa mga manggagawa, inihanda na nila ang kanilang mga sarili sa kung anuman ang kahihitnan ng kanilang laban. Naniniwala sila na mananaig ang panawagan nilang makabalik sa trabaho at maging inspirasyon sila sa kapwa manggagawa na lumaban at nanindigan para sahod, trabaho at karapatan.
Ang CoreAsia ay pagmamay-ari ng kapitalistang si Chris Chua. Ito ay paggawaan ng cores and tubes ng toilet paper gayundin paste board, sheeted paper at iba pang produktong yari sa papel. #