Ni Diego Morra

Mahalagang makintal sa isipan ng mga manghahalal ang nakapalasak na katotohanan: Walang pinagkaiba ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas (ABP) at ang PDP ni Rodrigo Duterte sapagkat sila ay dalawang mukha ng iisang “coin,” at maging “cara” o “cruz” ang iboto para sa Senado, sila ay parehong gaganap ng papel bilang  mga sugo ng naghaharing-uri.

Malaking pangako ang binitawan ng ABP, na nananaginip na uunlad ang bansa gayong higit sa 15.5-milyong pamilya ang umamin na sila’y nagugutom dahil sa di- sapat na sahod at sumisirit na halaga ng mga pangunahing bilihin. Ito ang dahilang kung palso ang isinusubong resulta ng mga surveys ng SWS at Pulse Asia, pati na rin ang WR Numero at ang iba pang kompanya na nabubuhay lamang kapag malapit na ang halalan. Bansot din naman ang deklarasyon ni Arsenio Balisacan ng NEDA na sa susunod na taon ay aangat na ang Pilipinas at sasali na sa hanay ng mga “upper middle-income” na bansa. Di na rin katakataka ang balita sapagkat sa naturang mga bansa nananahanan ang 40% ng mga naghihirap na nilalang sa mundo.

Ang mga pangkating Marcos Jr. at Duterte ay hindi maaasahang baguhin ang wangis ng Pilipinas bilang isang ekonomiya na nakaratay sa banig ng karamdaman sapagkat ito ay namumunini sa pagluluwas ng hilaw na sangkap gaya ng ‘metal ores” o kaya’y mga produktong pansakahan na sakdal na mababa ang presyo. Kapalit nito, umaangkat ang bansa ng “capital goods” o mga makina na gumagawa ng produktong industriyal. Bukod tangi rin ang pamahalaan mismo ng Pilipinas ay pangunahing umaangkat ng samu’t saring produktong kailangan daw sa “infrastructure development.” Idagdag pa ang “luxury goods” na walang maidadagdag sa produksyon ng pagkain o pagyaman ng bansa.

Ang ginawa ng South Korea at iba pang bansa sa Asya ay taasan ang “tariffs” sa “luxury goods” at ibagsak ang “tariffs” sa “capital goods” kaya dumagsa ang “industrial equipment” at lumawak ang paggawa ng mga produktong industrial, mula sa mga kotse, trak, at mga makina upang bawasan ang mga angkatin at magbenta sa ibang bansa. Hindi naniwala ang mga Koreano na habang panahon silang magiging alipin ng “international division of labor” at mismong pamahalaan ang nagtulak sa mga kompanya na lampasan ang kategorya ng Korea bilang tagagawa lamang ng “kimchi.” Samakatuwid, ang mga “chaebol” ng Korea ay lumaban sa pandaigdigang pamilihan gaya ng ginawa ng mga “sogo soshas” ng Japan. Maging ang Thailand ay suportado ang kanilang mga mamamayan na nagtatayo ng mga restaurants sa ibang bansa upang palawakin ang pagtangkilik sa pagkaing Thai. Sa Pilipinas? Bawal ang “subsidy” sa mga magsasaka at ang sinumang magtatayo ng restaurant sa ibang bansa ay bahala siya sa sarili niya.

Walang interes sila Marcos Jr. at Duterte na iangat ang bansa mula sa pagkalubog nito sa utang (ang buwanang utang ay higit sa P1-bilyon at ang kabuuang utang ay lampas na sa P13.5-trilyon), na dumoble ang laki noong panahon ni Duterte at tiyak namang malalampasan ni Marcos Jr. bago siya bumaba sa Palasyo sa 2028. Sapin-sapin na utang ang ginagawa ng Department of Finance (DOF) habang buwan-buwan ay nagbebenta ng bonds ang Bureau of Treasury (BOTr) upang bayaran ang “maturing obligations.” Kailangang patuloy ang pangungutang dahil bukod sa “inefficient” na koleksyon ng buwis, ang Kongreso mismo ay dagdag nang dagdag ng gastusin taun-taon. Kung buburahin ang mga programa at mga gawaing pinapanukala ng mga taga-Kongreso, hihina ang kanilang negosyo at mahabaang panunuhol sa mga botante.

Nararapat na itakwil ng mga botante ang mga kandidato nila Marcos Jr. at Duterte sapagkat wala silang malinaw na plataporma at walang posisyon sa mga usapin gaya ng minimum wage na P1,200, hindi rin nila kakantiin ang kinasusuklamang Rice Liberalization Law (RLL) na pinirmahan ng mga senador habang sila ay binabangungot. Ang resulta? Ang walang-tigil na pag-angkat ng bigas na hindi nagdulot ng pagbaba ng presyo at naging dahilan pa upang lumaganap ang “hoarding” at pagtaas ng halaga ng bigas. Nakatahi rin ang kanilang mga bibig sa usapin ng laganap na pag-angkat ng manok at baboy na pangunahing sangkap sa mga de lata. Pinapatay ang mga piggery at poultry farms ng bansa habang ang mga meat processors ay nakikinabang sa pagpupuslit ng “choice cuts” na pinalalabas na mechanically-deboned meat (MDM).  

Habang naghihirap ang mga karaniwang mamamayang Pilipino, lumalawak naman ang mga negosyo ng mga oligarko at plutocrat na nakadikit sa administrasyong Duterte at Marcos Jr. Kung sa panahon ni Duterte ay yumaman ang kanyang crony na si Dennis Uy, sa panahon naman ni Marcos Jr. ay lumawak ang mga empresa ng mga kadikit niya na kabilang sa Private Sector Advisory Council (PSAC). Dahil sa maling teorya na “efficient” ang pribadong sektor, halos lahat na ng ilkas na yaman ng bansa ay sumailalim na sa kontrol ng sektor na ito. Sila rin ang pawang tagapondo ng tinaguriang “political parties.” Si Ricky Razon ang puno ng National Unity Party (NUP), si Ramon Ang naman na dating katiwala ni Danding Cojuangco ay siyang nagpapakilos sa Nationalist People’s Coalition (NPC). Ang tinaguriang pinakamayang Pilipino, si Manny Villar, ang may-ari ng Nacionalista Party (NP).

Silang lahat ay may pakialam sa tubig, koryente, tollways, airports (hawak ni Ang ang NAIA at may sarili pa siyang aerodrome-cum-racetrack at industrial enclave sa Bulakan, Bulacan), oilfields gaya ng Malampaya na minana na ni Razon), property development (dito addicted si Villar bukod sa kanyang CrimeWater na kontrolado ang 134 water districts sa buong bansa). Silang lahat ay may sapi sa pamamalakad ng bansa. Ang kapitalismo mismo ay bangkarote sapagkat ito ay nababatay sa pang-aalipin at pagkamal ng tubo mula sa pawis at dugo ng mga manggagawa.Dahil ang mga plutocrats ang may kontrol ng mga malalaking sektor ng ekonomiya, sila rin ang umuugit ng mga patakaran na labis na nagdudulot sa kanila ng yaman. Bilang rentiers, sila mismo ang nagpapaandar ng pamahalaan. Ito ang bagay na dapat burahin ng mga botante. #