PAHAYAG: “Di po laro ang pagbabalita, Mr. President!”
Mawalang-galang po, mahal na Pangulo. Sinasadya ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na gamitin ang pambansang wika sa pahayag na ito upang bigyang sapat na halaga ang kaliwanagan sa komunikasyon at tiyakin na mauunawaan ng lahat ang nais naming ipaabot.
Sa inyong panayam sa midya nung Huwebes, muli mong sinabi na “nilalaro” mo kami at “mahilig” kang “magbitaw ng kalokohan.” Kung kaya, pananagutan ng mga mamamahayag ang pagsusuri sa bawat mong salita, kung totoo ba o hindi, at kami ang dapat sisihin kung ‘di tugma ang aming ulat sa mensahe na nais ninyong iparating.
Ipagpaumanhin po ninyo, subalit tuwiran kaming tumututol sa inyong pananaw. Hindi dahil ayaw naming suriin ang inyong mga salita — dahil kasama po ito sa aming gawain — kundi, bilang Pangulo ng Pilipinas, kayo po ang may pananagutan at tungkuling maging malinaw sa lahat ng inyong pahayag sa sambayanan at sa buong mundo.
May mga pagkakataon naman po para sa biro o sa kalokohan. Subalit dahil kayo ang Pangulo, ang inyong mga pahayag sa publiko ay aming itinuturing — at dapat lamang ituring — na patakaran ng inyong pamahalaan. Dagdag pa, marami rin sa inyong masusugid na tagasuporta ang nagtuturing ding atas at utos maging ang inyong mga biro at gamitin ang mga ito bilang dahilan para sa mga karumaldumal na hangarin ng mga kriminal at tiwali sa loob at labas ng gobyerno. Sa ganitong kalagayan, aming kagalang-galang na ginoo, hindi kaya mainam na huwag mo na kaming laruin at bawasan na ang hilig ninyong magbitiw ng kalokohan?
Ipagpatawad po ninyo , mahal na Pangulo, kung amin namang ibinabalik sa inyo ang inyong sinabi: Kung hindi malinaw ang inyong mga pahayag at hindi malinaw kung ito ay biro o seryoso, nasa inyo po at wala sa amin o sa taumbayan, ang problema. Seryoso po kami sa aming gawain at tungkulin naming ituring na seryoso at iulat ng tapat ang anumang namumutawi sa bibig ng Pangulo.
Huwag po ninyong baliktarin ang kaayusan ng pananagutang maging malinaw, Mr. President.