Ni Adora Faye de Vera
Isang oras para
mahalikan ng init ng araw
mahaplos ng damong buhay
ang mga paa at kamay
Labinlimang minuto
para magsampay
Labinlimang minuto
Para magpasok ng sinampay
Kalahating oras
para sa mga dalaw
Beynte-kwatro oras
ang de-koryenteng ilaw
Walang orasan, walang humpay
ang nakaririnding sari-saring ingay
May panahong hahanap-hanapin
kahit ilang oras lang ng tahimik na dilim
ang mapagmasdan ang kutitap ng bitwin
masuyo ang hamog at panggabing hangin
Buwan, kailan pa ba kita makikita
sa selda kong walang bintana?
Isang oras
bago magliwanag
nagmamasid na sa duyan o papag
Tatlong oras
ng paglalakad palusong at paakyat
tungo sa masang masayang sasalubong
para sa pag-aaral o pulong
Kalahating araw
sa paggamas sa palayan o maisan
sa pagtulong sa paglimas ng palaisdaan
Ilang oras
kinakanlong ng malawak na kagubatan
para iwasan ang mga pasistang
alagad ng kamatayan
Beynte-kwatro oras sa pakikipaglaban
para sa sambayanan
Walang orasan, walang humpay
ang pagsusuri, pagkilos
para manatiling buhay
May panahong hahanap-hanapin
kahit ilang oras lang ng tahimik na dilim
ng magkapiling na mamasdan ang kutitap ng bitwin
pawiin ng init ng katawan ang malamig na hangin
Kasamang Sinta, kailan pa ba tayo magkikita
sa piling ng masa na kapwa natin malaya?
Isang oras
ang paglikha’t katiting ang mapasasakanya
habang natitira sa walong oras na paggawa
ay inaangkin ng hari ng pabrika
Isang maghapon
ng pagpapawis, pagbilad sa init
sa paglinang ng lupang sa kanya ipinagkait
Isang saglit
ng bomba mula sa himpapawid
daang sakahan, komunidad, pangarap na winasak
naulilang mga magulang, ate, kuya, anak
Beynte-kwatro oras
na ninanakawan
ng yamang pamana mula sa kalikasan
Walang orasan, walang humpay
ang pagbusal ng bibig, pagkitil ng buhay
Lagi’t laging hahanap-hanapin
ang pagpalis sa nakakulap na dilim
ang sama-samang pag-abot sa hangad na bitwin
pag-asa sa daluyong ng mapagpalayang hangin
Bayan, doon tayo magkikita
sa pulang umaga, sa pulang umaga.
Oct 15, 2022
Iloilo District Jail
Quarantine








