Ni Ibarra Banaag

Kami ay nakikiramay,

Kay Huling, Juan at Maria,

Sa pumanaw na hustisya,

At kinitil na demokrasya.

Nakikidalamhati tayo,

Sa pagyao ng proseso,

Na marinig ng taong-bayan,

Nagpatakas sa magnanakaw.

Labis ang ating pighati,

Sa lumalang pagkakahati,

Sa pagitan ng matuwid,

At ng nagbubulagbulagang saksi.

Ang sabwatan ng kawatan,

At tau-tauhang bulwagan,

Mga nabusalang huwes,

Sa kumunoy nagpulasan.

Wala nang maaasahan pa,

O pagdudulugan ng pag-asa,

Sa pulpito ng tipaklong,

Pinagpugaran ng “marunong.”

Sa lamayan may nakangisi,

Sa ginawang pagtataksil,

Tila hindi nila napansin,

Ang mga tao ay gising.

         –Agosto 6, 2025