Ni Raymund B. Villanueva
Kung tutuusin, hindi lamang sila pitumpu’t dalawa
Ibilang din sana natin ang kanilang mga pamilya
Ilan ang ngayo’y nagdadalamhati, ilan ang naulila
Ilan ang tumutulong, ilan ang nakikiramay?
Kung tutuusin, krimen itong maliwanag
Hindi ba’t ang pabrika nila’y isang malaking kulungan
Na naging tapahan ng mga kamay na nagmamaka-awa
“Parang awa niyo na, saklolo, iligtas niyo kami!”
Kung tutuusin, dati na rin silang pinatay
Isang libo’t limandaang tsinelas sa sahod na dalawandaan
Pakyawan ang tawag, pang-aalipin ang kahulugan
Sa “investment-friendly city” nitong Kamaynilaan.
Kung tutuusin, magkano ang matatanggap
Ng mga sugatan at mga namatay sa kanila?
Benepisyo ba ito o abuloy na maituturing?
Kailangan na palang mamatay para maging regular.
Kung tutuusin, ayon sa magiting na alkalde
Walang kasalanan ang kapitalista sa nangyari.
Napakahusay na tagapagsalita ng mayayaman
Ang sweldo niya’y bayad nating mamamayan.
Mga kinawawang manggagawang ni hindi mapangalanan
“Compliant” ang depensang maagap sa kanilang kamatayan
Kung tutuusin, sa ganang kapitalista, sa ganang pamahalaan
Pakikipagtuos na lang ang dapat nitong hantungan.
–7:31 n.u.
16 Mayo 2015
Brgy. Commonwealth, Lungsod Quezon
= = = = = =
Pitumpu’t-dalawang (72) manggagawa ng kumpanyang Kentex ang nasawi sa pagawaan ng tsinelas sa Lungsod ng Valenzuela noong Mayo 13, 2015. Karamihan sa kanila ay kontraktwal at mababa sa minimum ang sahod. Hindi ligtas ang kanilang pagawaan at nakakandado ang mga lagusan. Nang magkasunog, ang mga biktima ay hindi nakalabas.
Hindi napanagot ang mga kapitalista. Ipinagtanggol pa sila ng alkalde ng siyudad.
Ang tulang ito ay nasulat sampung taon na ang nakaraan. Kabilang ito sa libro ng makata na “PERSOLITIKA” (Pantas-Kodao, 2018.)








