Ni Raymund B. Villanueva
Harinawa’y tahimik ang iyong mga gabi sa kulungan
Katahimikang malalim, mabigat, nakabibingi
Tulad baga ng mga libingang kalansay lamang ang nananahan.
Kunsabagay, wala ka namang kasama sa selda
Nasa iyo ang buong panahong pagkakataon
Na makinig
Marinig mo na sana ang salimbayang siyap
Ng sanlaksang sisiw sa ibabaw ng mga kabaong
Dinggin mo ang kanilang pagtuka sa salaming
Basang-basa ng hindi mapatid na pagluha
Maging dagundong nawa sila sa iyong pandinig
Hanggang ang iyong aserong kalooban
Ay mabasag sa wakas
Katok ang kanilang huni sa iyong konsensiya
Sana, baka sakali, sa iyong pag-iisa, sa malayong bayan
Ay marinig mo sila
Tutal naman, wala kang ginagawa, o anupamang magagawa
Kundi humiga, pumikit at makinig sa panaghoy
Hanggang katulad ng napakarami mong biktima
Ay mapigtalan na rin ng hininga
Ngunit dalangin ko’y huwag agad-agad
Mabigyan ka nawa ng panahong magsisi’t humingi ng tawad
Subalit kung talagang ayaw mo’t magbingi-bingihan
Magmaang-maangan sa iyong pag-iisa
Huwag mong masabi-sabing hindi ka nasabihan:
Napaka-ingay ang mga katok at siyap
Sa mga gabing namamayani ang katahimikan
–4:20 n.h.
15 Abril 2025
Lungsod Quezon
= = = = =
*Many Filipinos place chicks on top of caskets of victims of violent deaths in the belief that their chirps and pecks on the glass make their killers feel guilty, eventually owning up to their crime.








