Ni Adora Faye de Vera
May takot ba si Gabriela
nang itak ay dinampot?
Nangamba ba sina Trining at Melchora
nang sugata’y itinago at ginamot?
Di kaya kinabahan sina Teresa, Agueda, Gregoria
at iba pang Katipunera na nakihamok?
Dibdib nina Salud Algabre’t Valentina Vidal di ba kumabog
paghawak ng riple laban sa mananakop?
Sina Lorena at Kerima kaya’y ano ang iniisip
nang malamig na gatilyo’y kanilang kinalabit?
Karaniwang babae silang naging di pangkaraniwan
umangkin ng tapang sa pagtatanggol sa bayan
Buhay at tapang ay inialay nila
sa atin na kanilang mga tagapagmana
Mga lola, anak, kapatid, asawa
ay may takot rin, may pangamba
sa harap ng imbing mapagsamantala
Pero takot ay dinaig ng pag-ibig sa bayan
pag-ibig sa kapwa, pag-ibig sa kalayaan
Babaeng mahina kung maturingan
Matatag tumindig kung bayan ang manawagan
Nananawagan ang bayan sa atin ngayon
na tumugon sa gitna ng marahas na panahon
ng palalong halimaw na nakamaskara
na kasalukuyan, hinaharap, nakaraan sinisira
Baya’y ninakawan at ninanakawan pa
Kabukira’y binobomba, pinapaslang ang walang sala
Ginugutom. hinahamak, kababaihan at bata
Dinudusta ang maralita, manggagawa’t magsasaka
Kaya’t kahit tuhod nangangatog
dibdib ay kumakabog
balahibo’y naninindig
nangangatal ang bibig
mga palad nagpapawis
gulugod ginagapang ng lamig
Narito tayo’t tumutugon, tumatapang
Gabay ang diwa ng ninuno nating kababaihan
Umiibig sa bayan, kalayaa’y ipinaglalaban
Ilan mang bagong Gabriela at Lorena ang kailangan.
Feb 28
Iloilo District Jail
Selda Tres







