ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Charlie Hebdo massacre


SAGOT SA MGA TANONG NG KODAO UKOL SA CHARLIE HEBDO
Prof. Jose Maria Sison
January 9, 2015

Tanong 1: Ano ang inyong pagtingin sa pagkakapaslang sa mga staff/journalist/cartoonist ng Charlie Hebdo?

JMS: Kinokondena ko ang pagpaslang sa mga editor, cartoonist at staff ng Charlie Hebdo. May karapatan silang mabuhay at magpahayag. May karapatan sila sa due process. Hindi lang basta kung sino na lang ang pumaslang sa kung sino pa. Hindi sapat na dahilan ang mga sinulat at drawing nila para patayin sila.

Nakikidalamhati ako sa kamag-anakan, mga kolega at mga kaibigan ng mga pinaslang. Malalim ang simpatya ko sa kanila. Pero may kalipikasyon at hantungan ng aking simpatya. Hindi ko iproproklama ang sarili ko bilang Charlie Hebdo. Hindi ako sang-ayon sa anti-Islam at racial prejudices ng Charlie Hebdo at ang ginawang pang-iinsulto, panunuya at panghahamon sa mga Muslim at mga taong hindi puti.

May karapatan ang Charlie Hebdo na mamahayag, magpuna at magmungkahi. Pero may responsabilidad na igalang ang karapatan ng iba, mga indibidwal man, organisayon o komunidad. Lahat ay may mga karapatan at may responsabilidad na igalang ang karapatan ng iba. Maglalaro ka sa apoy kung saktan mo ang niloloob ng maraming tao, tutuyain mo at hahamunin mo pa dahil lamang sa relihyon nila o kulay ng balat nila.

Tanong 2: Ano po kaya ang maaaring impak sa buong daigdig ng massacre sa Paris, sa bansang maunlad gaya nito na sinasabing may kalayaan naman daw sa pagsasalita at pamamahayag ang mga tao.

JMS: Sa Pransiya mismo at sa ibang bansang imperyalista, may mga pwersang reaksyonaryo na gustong gamitin ang insidenteng Charlie Hebdo sa ngalan ng pagtataguyod ng press freedom para palitawin na terorista ang mga Muslim at mga taong hindi puti ang balat at para gawing lalong maigting ang represyon o terorismo ng estado at para bigyan din ng katwiran ang mga digma ng agresyon ng mga bansang imperyalista sa Middle East at North Africa.

Malamang na ang pumaslang sa tauhan ng Charlie Hebdo ay kumilos dahil sa labis na galit sa pambabastos kay propetang Mohamad at mga Muslim. Pero pinapalaki ng mga imperyalista ang insidente at tinataguriang terorismo para ilihis ang pansin ng mga mamamayan sa krisis sa ekonomiya at sa mega-terorismo o malakihang terorismo ng mga imperyalistang estado sa loob at labas ng bansa nila.

Sabi ng ilang ulat na ang dalawang magkapatid na suspetsado ay mga miembro ng Al Qaida o Islamic state ng Syria at Iraq (ISIS) na sumasalanta ngayon sa Syria at Iraq. Kung kailan lang, ang ISIS o ISIL ay pinondohan, inorganisa, inarmasan at sinanay ng mga imperyalistang ahente ng US, Inglaterra at Pransiya tulad ng dating ginawa sa mga tinaguriang Islamista na nagpabagsak sa gobyerno ni Qadaffi sa Lybia. May teorya ng ilan na mga ahente mismo ng gobyernong Pranses ang nagpakana sa Charlie Hebdo incident para gawing sangkalan ng terorismo ng estado ng mga imperyalista at mga papet nila.

Ang mga tunay at malaking o dambuhalang terorista ay mga imperyalistang kapangyarihan na pinamumunuan ng Estados Unidos. Kasama riyan ang Pransiya. Sa mga gera ng agresyon nila, milyun-milyong tao ang pinapatay at pinalilisan at winawasak ang kabuhayan at social infrastructure nila. Dahil sa paglubha ng krisis, ibayong lumilitaw ang rasismo, represyon at pasismo sa mismong mga imperyalistang bansa na nagyayabang na mga sentro sila ng demokrasya at kalayaan.