Itanong Mo Kay Prof: Masbate Incident at CARHRIHL

Panayam kay Prof. Jose Maria Sison ng Kodao Productions, sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo, hinggil sa insidente sa Masbate at ang bisa ng CARHRIHL.

IMKP: MASBATE INCIDENT AT CARHRIHL
June 22, 2021

Sarah: Magandang araw sa lahat ng ating mga tagapakinig, nagbabalik ang Itanong Mo Kay Prof, kasama natin ang Chair Emeritus ng International League of Peoples’ Struggle at NDFP Chief Political Consultant na si Prop. Jose Maria Sison. Magandang araw, Prof Sison, at maraming salamat sa pagkakataong makapanayam kayong muli para sa isang napakahalagang usapin na may kinalaman sa kondukta ng pakikibakang armado ng rebolusyonaryong hukbo sa Pilipinas ang NPA, paritukular ang nangyari sa Masbate.

JMS: Maalab na makabayang pagbati sa iyo Prop. Raymundo, sa Kodao at sa lahat ng ating tagapakinig.

Sarah: Sa ngalan ng Itanong Mo Kay Prof, nagpapaabot po ako ng taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi nating kababayan at nakikiisa po ang aming programa sa pakikidalamhati sa ating mga kababayan sa trahedyang ito.

Sa panayam na ito, sisikapin nating makuha ang suri at ilang resolusyon ng NDFP batay sa mga naaangkop na mga dokumentong may lokal at internasyonal na saklaw na nakatuon sa mga sirkumstansya ng gerang sibil są mga bansang tulad ng Pilipinas kung saan may pwersang nagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya.

Halina at alamin natin ang kahalagahan ng Joint Monitoring Committee (JMC), ang Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIHL), ang The Hague Declaration, at ng Ottawa Treaty. At kung bakit Usaping Kapayapaan ang pinanawagan ng mga taong-simbahan at iba pang grupo na nagtatanggol sa karapatang pantao, matapos maisapubliko ng insidente na hindi naman itinanggi kundi agad namang inako ng CPP-NPA. Bilang founding Chair ng CPP, ano kaya ang pagtingin ni Prop. Sison sa isyung ito?


Mga Tanong:

1. Ano ang masasabi nyo Prof Sison sa nangyari sa Masbate na kung saan ay may dalawang sibilyan na namatay dahil sa land mines na ginawa ng mga NPA? Meron na po bang resulta ang imbistigasyon ng CPP/NPA/NDF hinggil dito?

JMS: Isang trahedya na mga sibilyang magpinsan ng pamilyang  Absalon ay nasawi at isa pa ay  nasugatan dahil sa pagkakamaling pinasabog sa kanila ang command-detonated land mines.

Anuman ang klase ng sandata ay maling gamitin laban sa mga sibilyan. Ito ay mahigpit ng patakaran ng CPP, NPA, NDFP at rebolusyonaryong gobyerno ng bayan.

Gumawa na ng kagyat na pagsisiyasat ang partikular na kommand ng NPA sa Masbate na may kinalaman sa partikular na yunit at ilang indibidwal na may pananagutan sa malungkot na pangyayari. Tinanggap ng naturang komand na may pagkakamali.

 Pero gusto pa rin ng pinakamataas na organo ng NDFP na may mas malalim pang imbestigasyon para magkaroon ng batayan para litisin ang mga akusado sa court martial ng NPA o sa hukumang bayan ng rebolusyonaryong gobyerno ng bayan.

2. Maaari nyo po bang maipaliwanag Prof Sison kung meron po bang nilabag ang mga NPA sa land mines na kanilang isinagawa sa Masbate? Ano po ba ang implikasyon nito sa International Humanitarian Law?

JMS: Walang nilabag ng kabuaan ng NPA. Ang lumabag ay partikular na yunit ng NPA o iilang indibidwal na nagpaputok ng land mines. Ang mismong command-detonated land mines ay hindi ipinagbabawal ng Ottawa Treaty. Pero krimen o kamalian ang paggamit ng anumang sandata laban sa mga inosenteng sibilyan.

Sabi ng binanggit kong Masbate command ng NPA na command-detonated na land mines ang ginamit. Sa tamang paggamit ng ganitong land mines sa armadong kaaway ng NPA, hindi ipinagbabawal ng Ottawa Treaty at ng International Humanitarian Law.

Ang maliwanag na ipinagbabawal ng Ottawa Treaty ay yong land mines na sumasabog dahil sa presensya, presyur o kontak ng biktima. Ipinagbabawal ito dahil sa indiscriminate ang nabibiktima.

Sang-ayon at sumusunod ang CPP, NPA, NDFP at rebolusyonayong gobyerno ng bayan sa Ottawa Treaty. Patakaran ng buong kilusang rebolusyonaryo na bawal ang land mines na hindi command-detonated.

3. Hinggil po sa land mines, Prof Sison, maaari nyo po bang maibahagi ano po bang klase ng land mines ang tinatanggap sa International Humanitarian Law (IHL) sa mga lugar na may gera. Pinahihintulutan po ba talaga sa IHL ang pagtatanim ng bomba?

JMS: Sa International Humanitarian Law, ang Ottawa Treaty ang pinaka- partikular na instrumentong legal na nagsasabi kung anong klaseng land mines ang ipinagbabawal.

Ipinagbabawal nang kategorikal at pauli-ulit sa tratadong ito na bawal ang land mines na puputok dahil lamang sa presenya, presyur o kontak ng kahit sinong tao, inosenteng sibilyan o armadong kaaway ng NPA sa kasalukuyang gera sibil sa Pilipinas. Hindi ipinagbabawal ang command-detonated land mines.

4. Ano po ang inyong masasabi sa kahilingan ng gubyerno sa pamamagitan ni DILG Sec Eduardo Año na isurender sa kanila ang mga NPA na nagkasala sa naganap na pagsabog sa Masbate?

JMS: Alinsunod sa International Humanitarian Law at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, ang NDFP ang may hurisdiksyon sa anumang paratang laban sa NPA at mga yunit nito at ang GRP naman ang may hurisdiksyon sa mga paratang laban sa AFP, PNP, paramilitar at mga yunit nito.

Ang NDFP at GRP ay mga co-belligerents sa isang gera sibil o armed conflict na saklaw ng Geneva Conventions. Hindi pwedeng utusan ng GRP ang NDFP na isurender sa GRP ang yunit ng NPA na gumawa ng pagkakamali sa Masbate.

Ang GRP ay hindi rin puedeng utusan ng NDFP na isurender sa kanya ang mga akusado sa higit ng 6000 paratang laban sa AFP at PNP na sometido sa Joint Monitoring Committee sa ilalim ng CARHRIHL.

Hindi ring pwedeng utusan ng NDFP ang GRP na isurender sa NDFP ang mga armadong tauhan ng GRP na pumaslang ng napakaraming NDFP peace consultant. Tinutukoy ang pagpaslang kina Randy Felix Malayao, Randall Echanis, Julius Giron, mag-asawang Cabanatan, mag-asawang Topacio, Reynaldo Bocala at iba pa.

May kanya-kanyang sistema ng gobyerno at batas ang GRP at NDFP. Sira-ulo ang mga opisyal at ahensya ng reaksyonaryong gobyerno na gustong magmando sa NDFP na isuko sa GRP ang mga akusado sa insidente ng command-detonated land mines sa Masbate.

5. Ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o mas kilala sa tawag na CARHRIHL ay isang kasunduan na pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines noong 1998. Ayon sa AFP hindi na ito epektibo dahil wala ng negosasyon sa pagitan ng GRP at NDFP, at matagal na ring nilusaw ang Joint Monitoring Committee o JMC. Ano po amg inyong opinyon hinggil dito Prof Sison? May halaga pa po ba ang CARHRIHL sa panahon ngayon?

JMS: Umiiral pa ang CARHRIHIL dahil sa maraming probisyon nito ay hango sa international law sa human rights at humanitarian conduct at nasa balangkas ng international law na tinanggap ng GRP Constitution. Umiiral at bukas din ang opisina ng NDFP-nominated section ng JMC sa Cubao at kinikilala at sinusuportahan pa ng Royal Norwegian Government.

Totoo na ang GRP ay nagsara ng kanyang opisina sa JMC. Pero hindi ibig sabihin nito na malayang gumawa ng mga krimen ang GRP sa mga pwersa at tauhan ng NDFP. Hindi rin ibig sabihin na  nawalan na  ng hurisdiksyon ng NDFP sa mga pwersang nasa panig niya.

Subukan ng GRP na magpadala ng arresting yunit nila sa erya ng NPA sa Masbate at tingnan natin kung ano ang mangyayari. Kung gawin ng GRP ang panghihimasok, hwag magulat kung lalabanan sila ng NPA.

6. Sa panghuli, Prof Sison, ano po ang inyong panawagan sa ating mga kababayan?

JMS: Hanggang ngayon ipinagmamatigas at ipinagmamalaki ni Duterte na tinapos at pinatay na niya ang peace negotiations at gusto niya ang gera total at pakana niyang idahilan ang armadong rebolusyon para magpataw ng pasistang diktadura sa Pilipinas.

Napakalimitado na ang panahon na umasa ang sinuman na magbabago ang patakaran ni Duterte. Nasa huling taon na ang halimaw sa kanyang legal term of office.

Mas mabuting palakasin ang kilusan ng mga mamamayan para patalsikin sa poder ang traidor, berdugo, mandaranbong at maggagantsong rehimen ni Dutere at makipagsundo sa oposisyon na itaguyod ang patakaran na buksan muli ang peace negotiations ng GRP at NDFP para lutasin ang mga problema na ugat ng gera sibil.

Magkakaroon ang makatarungan at matibay na kapayapaan kung may peace negotiations muli at gumawa ng mga komprehensibong kasunduan tungkol sa mga batayang repormang sosyal, ekonomiko at pulitikal sa balangkas ng The Hague Joint Declaration ng GRP at NDFP.

JMS: Sa pagtatapos ng ating panayam, nagpapasalamat ako kay Prop. Raymundo, sa Kodao at sa lahat ng ating tagapakinig.

Sarah: Maraming-maraming salamat po Prof. Sison para sa isang malaman at ubod ng linaw na pagpapaliwanag. Ang mga nabanggit na mga ahensya at pinagkaisahang dokumento na tunog-teknikal sa una, ngayon ay may malinaw nang hugis kaugnay ng trahedya sa Masbate at gayon na rin sa kabuuang kondukta ng armadong tunggalian sa pagitan ng GRP at CPP-NPA.

Itanggi man ng gobyernong Duterte, maging ng mga anti-komunista at iba pang mga grupo na nananawagan ng maka-isang panig na resolusyon sa trahedyang ito, hindi na maikakaila ang bisa ng mga tratado o treaty at dokumentong sumasaklaw sa kondukta ng armadong tunggalian.

Walang silbing i-etsa pwera sa diskusyon ang dual state power sa bansa, o ang realidad na may dalawang gobyerno sa Pilipinas na sangkot sa isang armadong tunggalian. Hindi ito tungkol durugan o paggapi na solusyon ni Duterte. Walang kahihinatnan ang ganyang pusisyon dahil matagal nang nalikha ang mga opsiyal at lehitimong mekanismo para resolbahin ang mga usaping dulot ng tunggaliang ito. Ang mga mekanismong ito ay hindi pumapabor sa isang panig, kundi mga mekanismong nagbubukas upang talakayin, sawatahin, resolbahan ng dalawang panig ang mga umano’y abuso ng bawat panig, mga panukala ng bawat panig upang matugunan ang ugat ng armadong tunggalian. Sa puntong ito ng armadong tunggalian sa pagitan ng GRP at CPP-NPA walang ibang mekanismo ang maaaring makatugon dito kundi ang Usapang Pangkapayapaan o Peace Talks.

Hanggang sa muli, ito po si Sarah Raymundo, guro ng Unibersidad ng Pilipinas at aktibista ng Bagong Alyansang Makabayan. Ibayong pag-iingat at pakikibaka laban sa tiraniya.

-End-