Itanong Mo Kay Prof: Hinggil kay Robert Mugabe at hinggil sa martial law nina Marcos at Duterte

Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa yumaong Robert Mugabe, dating presidente ng Zimbabwe at ang Martial Law sa panahon ni Marcos at Duterte.

ITANONG MO KAY PROF
TOPIC: 1. Robert Mugabe, dating pangulo ng Zimbabwe
2. Martial Law ni Marcos at De Facto Martial Law ni Duterte
SEPTEMBER 18, 2019

Prof Sarah: Magandang araw sa mga tagapakinig sa ating paluntunang Itanong Mo Kay Prof. Sa araw na ito ay makakasama nating muli ang Chair Emeritus ng ILPS upang talakayin ang mahahalagang sitwasyon sa ating malawak na kilusang mapagpalaya.

Magbibigay tayo ng pagpupugay sa kilusang mapagpalaya ng Zimbabwe at sa naging lider nito na si President Mugabe. Maglalaan din tayo ng panahon sa pagtalakay ng mga kundisyong bunsod naman ng mga presidenteng diktador at anti-mammayan. Bukod pa at higit rito ay pag-uusapan din natin ang pagbabalikwas ng mamamayang magigiting laban sa mga korap at abusadong lider ng ating nakaraan at kasalukuyan. At siyempre makakasama natin si Propesor Jose Maria Sison dito sa Itanong Mo Kay Prop.

Prof Sison: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Prof. Sarah Raymundo at sa lahat ng ating kababayan!

Mga Tanong:

Prof Sarah: Prof Sison, bago tayo tumungo sa mahahalagang usapin sa ating bayan, puntahan muna natin ang isang mainit at pinag-uusapan din ngayon sa buong daigdig. Ito ay ang pagpanaw ng dating pangulo ng Zimbabwe na si Robert Mugabe, noong September 6 sa idad na 95 taon. Magkakaiba ang damdamin ng kanyang mga kababayan sa pagtingin ng kanyang naging kasaysayan bilang pangulo ng Zimbabwe, na dating Rhodesia.

Prof Sarah: Sabi ng mga matatandang Aprikano, si Mugabe daw ay revolutionary fighter at liberator. Maaari po ba ninyong ibahagi sa ating mga tagapakinig sino po ba talaga si Robert Mugabe. Tutuo ba na naging mahusay na lider siya at rebolusyonaryo?

JMS: Si Robert Mugabe ay totoong revolutionary fighter at lider sa pagpapalaya ng Zimbabwe. Sa kanyang pagpanaw, pinarangalan bilang bayani ng gobyerno at mga mamamayan ng Zimbabwe. Sa matagal na panahon, itinuring siya na bayani at ama ng kanyang bayan laban sa kolonialismo at imperyalismo ng Bretanya at sa white minority rule ng mga Ingles. Taglay niya ang African nationalism at naging tagapangulo ng Non-Aligned Movement, Organization of African Unity at African Union.

Sa ilang panahon, sinikap niyang mag-aral ng Marxismo bilang gabay sa pagpapalaya sa itim na mayorya ng kanyang bayan. Kinulong siya nang sampung taon (1964-74) ng mga kolonyalistang Ingles. Sa paglabas niya ng preso, tumungo sa Mozambique para pamunuan ang sandatahatang pakikibaka ng Zimbabwe African National Union (ZANU) laban sa white minority rule ni Ian Smith ng Rhodesia (dating tawag ng mga Ingles sa Zimbabwe.)

Pumasok siya sa peace negotiations na minungkahi ng Bretanya at natuloy ito sa pagtigil sa sandatahang pakikibaka. Nagkaroon ng general election ng 1980 kung kailan nanalo ang ZANU-Patriotic Front at naging unang Prime Minister ng Zimbabwe si Mugabe mula 1980 hanggang 1987. Naging presidente siya mula 1987 hanggang 2017. Sa kanyang katungkulan, pinalawak niya ang sistema ng health care at public education. Sa umpisa nakipagcompromiso siya sa Bretanya tungkol sa economic policy. Pero itinulak pa rin niya ang dekolonisasyon, laluna sa land reform laban sa mga puting panginoong maylupa.

Prof Sarah: Tinawag din siyang diktador ng maraming Zimbabwean. Marami daw pong pinapatay si Mugabe at siya daw ang dahilan ng pagbagsak ng kanilang ekonomiya. Naging ganid daw siya sa kapangyarihan. Inabot niya ang 37 taon sa pwesto bago siya napabagsak at napaalis sa ng mga militar sa kanilang bayan. Ano ang masasabi ninyo dito, Prof Sison?

JMS: Ang pagkumpiska ng lupa mula sa mga puting panginoong maylupa para ipamudmod sa mga itim na magsasaka ang naging dahilan ng malaking paninira kay Mugabe mula sa minoryang puti, mga kasapakat nilang itim na nasa partido naZimbabwe African People’s Union (ZAPU) at mga pahayagan ng Bretanya at Kanluran. Sinabotahe ng mga imperyalista ang mga eksport ng Zimbabwe at dahil dito napinsala ang ekonomya nito. Pero naligtas ang ekonomiya dahil sa tulong ng mga bansang hindi palasunod sa US at Bretanya.

Pinakamasamang hamon kay Mugabe ang paglunsad ng armadong oposisyon sa kanyang gobyerno. Dito nagkamatayan ng marami. Dinurog ng Fifth Brigade ni Mugabe ang armadong oposisyon sa Matabeland kung saan iniulat na galibu ang nasawi. Gayunman sa mga eleksyon, pinayagan ni Mugabe ang paglahok ng partido ng oposisyon. Hanggang ngayon, buhay na buhay ang mga legal na kalaban niya sa pulitika.

Prof Sarah: Ano ang aral na ating mapupulot sa naging kasaysayan ni Robert Mugabe, Prof Sison? May kabuluhan ba ang kanyang mga ginawa para sa mga Aprikano at sa mamamayan ng daigdig?

JMS. Malaki ang kabuluhan ng ginawa ni Mugabe sa pagpapalaya at pagpapaunlad ng Zimbabwe at sa pagtataguyod ng pagkakakaisa ng mga bansang Afrikano laban sa kolonyalismo, imperyalismo at paghahari ng puting minorya. Sa kabila ng mga tagumpay niya at pagsuporta ng masa, parang hindi niya namalayan ang kanyang pagtanda at pangangailangan na magretiro. Sa edad na 93, gusto pa niyang magpatuloy na presidente ng Zimbabwe pero pinagsabihan na siya ng militar na palitan na siya ng bise presidente. Ang aral dito ay dapat may retirement age at limitasyon sa termino ng mga lider.

Prof Sarah: Noong September 21, 1972 ay pinirmahan ng dating pangulo ng bansa at diktador na si Ferdinand Marcos and Proclamation No. 1081. Isinasaad dito ang paglalagay sa buong bansa sa ilalim ng Batas Militar o Martial Law. Ginawa ito ni Marcos para lalong lupigin ang nag-aalburutong galit ng mamamayan na noon ay nakakaranas na ng matinding pang-aabuso ng mga may kapangyarihan sa bansa. Bagsak ang ekonomiya. Marami ang walang hanapbuhay. Marami ang hindi kumakain sa maghapon at kaliwa’t kanan ang pang-aapi ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa mga manggagawa at magsasaka.

Ipinagbawal ang organisasyon ng mga kabataan at guro sa eskwelahan. Ipinasara ang mga publikasyon at tinanggalan ng karapatan sa pamamahayag at ekspresyon ang mamamayan para hindi malaman sa buong daigdig ang nagaganap na karahasan sa bansa.

Marami ang hinuli, tinortyur, pinatay at mga dinukot na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.

Kasama nating muli ngayon si Prof Jose Maria Sison para magbahagi ng kanyang karanasan noong panahon ng Batas Militar.

Prof Sarah: Prof Sison, isa kayo sa mga lumaban noong panahon ng Batas Militar. Ano po ang inyong masasabi sa ginawang ito ni Marcos?

JMS: Tunay na masamang tao si Ferdinand Marcos. Sakim sa kapangyarihan at sa kayamanan. Nagpataw ng batas militar sa bayan para magtayo ng pasistang diktadura at mawalan ng hadlang ang kanyang paglabag sa mga karapatang demokratiko at pantao at gayundin ang kanyang pandarambong sa kabangyaman ng bayan at sa mga proyektong overpriced at kaakibat nitong mga utang sa loob at labas ng bansa.

Noon pa mang 1965, tantiyado na naming nasa mga makabayan at progresibong organisasyon na may balak si Marcos na maging pasistang diktador habambuhay. Dahil dito, determinado kaming magpalakas ng kilusang masa hanggang maitayo ang isang rebolusyonaryong partido at hukbo. Lalong naging halata ang hilig ni Marcos noong 1969 at 1970 na gumamit ng militar para manakot at pumatay.

SR5. Kayo po ay nahuli noong 1977. Sino po ba ang dumakip sa inyo, Philippine Constabulary (PC) o mga sundalo? Paano ninyo hinarap si Marcos at ano ang ginawa nila sa inyo?

JMS: Composite forces ng Philippine Constabulary and dumakip sa akin noong Nobyembre 10, 1977. At pagkatapos ikinulong ako nang matagalan hanggang 1986 sa Military Security Unit ng Philippine Army. Parang gentlemen kami ni Marcos nang magharap. Nagkunwari pa siyang mag-alok ng national unity and reconciliation. Tugon ko na pag-aralan namin kung ano ang mabuti para sa bayan. Nagreklamo pa ako tungkol sa pagdukot at pamamaslang ng militar sa mga aktibista sa Timog Katagalugan.

Nang ibinalik ako sa aking piitan sa MSU sa Fort Bonifacio, ilang araw akong pinupuntahan ng mga imbestigador hanggang Sabado. Halata kong yamot sila na walang makuha sa akin na impormasyong makapagpahamak sa iba. Pagdating nang Sabado at Linggo, ipinailalalin na ako sa physical torture, kabilang na ang pambubogbog at maraming oras ng water cure: paulit-ulit na pagpapaagos ng tubig sa aking ilong hanggang para akong nalulunod.

Prof Sarah: Prof Sison, anong aral ang maibabahagi ninyo sa ating mga tagapakinig bilang isa sa mga naging biktima ng Martial Law?

JMS: Napakasama ang martial law. Lisensiya ito ng presidente bilang commander-in-chief at mga utusan niyang militar na gumawa ng lahat ng human rights violations, kabilang na ang mga abduction, torture, pamamaslang at pandarambong. Dahil sa martial law napakaraming dinukot, desaparesido, tinorture, pinatay at inagawan ng property. Sa pinakamababang estimate, nakapagnakaw si Marcos ng 10 to 15 billion USD.

Prof Sarah: Ngayon naman ay dumako tayo sa panahon ng Pangulong Duterte. Maaari ninyo po bang ipaliwanag muna sa ating mga tagapakinig, ano ang ibig sabihin ng de facto martial law?

JMS: Tulad ng panahon ng pasistang diktadura ni Marcos at tulad sa Mindanao ngayon magmula 2017 may pormal na proklamasyon ng martial law. Pero sa Luson at Bisayas, wala pang ganitong proklamasyon, de facto o sa katunayan meron nang martial law dahil sa aktwal na paggamit ng militar ni Duterte para manakot, manghuli, magtorture at pumaslang sa mga tao nang walang paghapag at pagproseso ng kaso sa harap karampatang husgado ng sibilyan na gobyerno. Sa ilalim ng Executive Order No. 70 ilinalagay ni Duterte ang gobyerno at lipunan sa kanyang kamay na bakal o kanyang militar na instrumento.

Prof Sarah: Napakarami na po ang mga dating pulis at militar na ngayon ay nasa Kongreso, Senado at Malacanang. Pinasok na rin ng Philippine National Police ang mga eskwelahan at unibersidad sa Kamaynilaan para daw supilin ang pagrerekrut ng mga NPA sa mga kabataan. Ito rin daw ay bahagi ng kanilang kampanya ng pagsupil sa mga pinagbabawal na gamot. Ano ang inyong opinyon hinggil sa mga bagay na ito, Prof Sison?

JMS: Ang mga binanggit mo ay pruweba ng de facto martial law. Sa utos ng commander-in-chief, nagiging dominante ang mga militar sa gobyerno at sa lipunan. Pinakikialaman ng militar ang lahat ng bagay para maghasik ng lagim at gumawa ng anumang krimen sa ngalan ng anti-communism at national security.

Prof Sarah: Noong May 23, 2017 ay ibinaba ang martial law sa buong Mindanao. Kasunod nito ay kinansela ng gubyerno ang panglimang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na noon ay parehong nasa (The) Netherlands ang mga negosyador. Ano po ang inyong masasabi dito, Prof Sison?

JMS: Magmula sa petsang binanggit mo,, nagproklama ng martial law sa saklaw ng buong Mindanao para umpisahan niyang labanan nang lantaran ang CPP, NPA at iba pang pwersang rebolusyonaryo. Sadyang sinira ni Duterte ang peace negotiations nang sa gayon magawa niyang dahilan ang armed conflict o ang CPP at NPA para magtayo ng pasistang diktadura.

Prof Sarah: Prof Sison, hindi lamang isang taon ang martial law sa Mindanao. Ito ay naextend pa hanggang matapos ang taong 2019. Ano po ba sa inyong pagtingin sa dahilan ng pamahalaan at bakit kailangang ipagpatuloy pa ang martial law sa Mindanao?

JMS: Ipinagpatuloy ang martial law sa Mindanao bilang pundasyon ng de facto martial law sa buong Pilipinas at bilang pundasyon na rin ng pandaraya sa nakaraang eleksyon at anumang susunod na eleksyon. Dominado na ni Duterte ang Kongreso at local governments dahil sa malaking pananakot sa oposisyon at pandaraya sa eleksyon sa Mindanao. Isa pang mahalagang punto, dahil sa martial law sa Mindanao, napadali ang pang-aagaw ng lupa at natural resources mula sa mga kawawang lumad at mga magsasaka.

Prof Sarah: Ano po ang epekto ng martial law sa Mindanao? Sa inyo po bang pagtingin Prof Sison, malulupig ng pamahalaan ang mga rebolusyonaryong pwersa ng CPP/NPA/NDF?

JMS: Sa palagay ko, hindi malulupig ng bulok na gobyerno ang pwersang rebolusyonaryo sa Mindanao. Lalo pang lalakas ang mga ito dahil sa ibayong pang-aapi at pagsasamantala at dahil taglay nila ang tamang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan. At tama rin ang estratehiya nila na pangmatagalang digmang bayan at mga taktika ng digmang gerilya na malawak at masinsinan batay sa malawak at malalim ng suporta ng masang api.

Prof Sarah: Sa September 21 ay aalalahanin ng mamamayang Pilipino ang ika-47 taon ng Batas Militar sa bansa. Ano po ang inyong pabaong mensahe sa ating mga tagapakinig, Prof Sison?

JMS: Mensahe ko sa lahat ng ating kababayan na tandaan ang malalaking krimen ng pasistang diktadura ni Marcos at ipagbunyi ang dakilang pakikibaka ng masang Pilipino at mga makabayan at demokratikong pwersa para ibagsak ang diktadura iyon. Matuto sa karanasan at labanan nang puspusan ang balak at mga hakbang ng tiraniyang Duterte na magpataw ng martial law at pasistang diktadura sa sambayanang Pilipino.

Prof Sarah:

Prof Sison: Nagpapasalamat ako muli kay Prof. Sarah Raymundo at sa lahat ng takapakinig. Mabuhay kayo!

Prof Sarah: Maraming salamat Prof Sison sa isang mayaman at matalas na diskusyon. Maraming salamat sa ating mga tagapakinig.

Apat na pu’t pitong taon matapos ang deklarasyon ng Martial Law ay nahaharap na naman tayo sa malalagim na kundisyon. Mabangis ang gobyernong Duterte at ang galamay nito lalong-lalo na sa mga manggagawa at magsasaka. Tintatakot at pinapatumba rin nito ang mga nagtatanggol sa karapatang pantao at nais magsulong ng kapayapaan.

Tandaan natin, hindi magiging ganito kasahol ang paninikil sa ating mga laya kung wala ring matinding krisis na hinaharap ang ating sistema. Ang gustong mangyari ng mga nasa kapangyarihan ay panatilihin ang umiiral na sistema sa kabila ng krisis. Kaya tinatakot at inaagawan nila ng buhay ang mga nagnanais baguhin ang sistema upang masolusyunan ang krisis. Habang sila ay papahina, nais din nila tayong maging mahina. Kaya’t nararapat lamang na tayo ay humugot ng lakas sa pagtitiwala sa kilusang masa.

Ito po si Sarah Raymundo ng Bagong Alyansang Makabayan at Unibersidad ng Pilipinas. Hanggang sa muli dito sa Itanong Mo Kay Prof.

End