Masarap panoorin ang palabas sa Senado kahapon. Kay daming naganap, kay daming pumalakpak. Pero palabas nga lamang iyon. Tulad ng maraming palabas, hindi ang nakikita ang siyang kabuluhan. Maaaring mayroon pang natatagong dapat nating tingnan.

Aksyon at komedya sa Senado

Nag-umpisa ang araw sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Sen. Rodante Marcoleta.  Unang sumalang si Navotas Rep. Toby Tiangco na una nang nababara sa mga pagdinig sa Kamara. Ayon sa kanya, ang flood control project insertions sa “pinaka-maruming budget sa kasaysayan” ay kagagawan ng dating House of Representative Appropriations Committee chairperson at Ako Bikol Partylist Rep. Elizaldy Co. Sa hibo ng kanyang pananalita, ito ay may basbas ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na matagal na rin niyang pinupuna.

Sinegundahan ang mga “rebelasyon” ni Tiangco ng “pagkanta” ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na iniuugnay sa maraming maanomalyang public work projects sa buong bansa. Dito na naging kawili-wili ang palabas. Ipinagtuturo ng mga Discaya ang maraming kongresista at mga taga-Departamento ng Puro Walang-Hiya (DPWH) sa pagkurakot ng bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan. Ang buod ng kanilang iskrip, sina Rep. Co at Speaker Romualdez ang higit na nakinabang.

Subalit may depekto ang kwento. Sintunado na ang koro nang sinabi ng mag-asawa na ang listahan nila ng mga politiko ay inumpisahan lamang noong 2022, samantalang panahon pa lamang ng rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo ay kontraktor na sila. Halatang umiwas silang kumanta sa korupsiyon noong rehimen ng patron ni Marcoleta na si Rodrigo Duterte.

Ninais pa ni Sen. Jinggoy Estrada na isama silang senador sa mga palalabasing saksakan ng linis at tuwid. Tinanong niya ang mga Discaya kung mayroon silang inaabutan ng kickback sa mga senador, na noong sinagot ng “wala” ay nahiritan ni Marcoleta na “Safe ka na.” Iglap na natawa si Jinggoy at naggalit-galitan pagkatapos. Kalaunan, inalo-alo siya ni Marcoleta noong totoong nagalit na sa pagkapahiya. Ito para sa akin ang parteng komedya.

Kalaunan ay mga kontraktor na at mga engineer na ng DPWH ang ginisa ng mga senador. Bilang mga nakabababang nilalang sa hirarkiya ng korupsyon, sila ang tila wala nang kawala at tiyak na masasakripisyo upang mapahupa ang galit ng taumbayan.

Misteryo

Marami sa atin ang natuwa sa isiniwalat ng mga Discaya. Subalit kailangan pang imbestigahan kung buo at pawang katotohanan ba ang kanilang sinabi. Halimbawa, sa kanilang mga itinuro, ilan sa kanila ay hindi nakaupong kongresista mula 2022 hanggang kasalukuyan. Wala ring proyekto ang mga kumpanyang Discaya sa distrito ng ilan sa mga itinurong kongresista.

Baka tama si Pasig Mayor Vico Sotto na huwag agad magpadala sa mga sinabi ng mga Discaya. Baka nga naman sinabi lang nila ang kanilang nasabi para gawin silang state witnesses kapalit ng pagbigwas sa kalaban ng mga Duterte na sina Zaldy Co at Martin Romualdez sa kumpas ng mga DDS sa Senado.

Bakbakang umaatikabo

Habang performance level sina Marcoleta at iba pang senador sa Blue Ribbon hearing, pinipinal na pala ang coup d’etat sa Senado. Napagkasunduan nang alisin si Sen. Francis Escudero bilang pangulo, Jinggoy Estrada bilang pro tempore, at Sen. Joel Villanueva bilang majority floor leader. Ang mga pumalit ay sina Sen. Tito Sotto bilang pangulo, Sen. Ping Lacson bilang pro tempore, at si Sen. Migz Zubiri bilang majority floor leader. Nakaganti na rin ang huli kay Escudero na siya ring dating senate president na pinalitan ng huli. Bago matapos ang araw, tanggal na rin si Marcoleta bilang pangulo ng Blue Ribbon at si Lacson ang kapalit. Hindi na matutuloy ang iskrip ng mga Duterte sa Senado.

Katawa-tawa ang Duterte bloc. Parang mga batang inagawan ng lollipop ng sinabi ni Sen. Imee Marcos na wala man lang daw kumausap sa kanila, na para bang may mapapala sa kanila nina Robin Padilla, Bong Go at Bato dela Rosa. Idinagdag ni Sen. Alan Peter Cayetano na mananatili na lang daw siya sa minorya na tila gustong palabasing may nais sa bagong mayorya na maka-grupo siya.

Trahedya

Samantala, sa Kamara, hindi magkamayaw ang mga pinangalanan sa pagtanggi na sila ay korap.

Subalit kanila namang pinalusot ang isa pang matayog na simbolo ng korupsyon. Kanilang pinalusot ang budget ng Office of the President (OP) sa pamamagitan ng hindi pagsalang rito sa pagsusuri ng Kamara. Hindi na sila natuto na rito nagsisimula ang korupsiyon dahil ito ang pinaka-makapangyarihang opisina ng gobyerno. Naririto ang malalaking confidential at intelligence funds. Hindi nga patas na pinapalusot pa si Ferdinand Marcos Jr. samantalang nabuyangyang na ang korupsyon ng bise presidente. At huwag kalimutan na nasa OP ang NTF-ELCAC na dalubhasa rin sa ghost projects.

Tama ang mga aktibista at marami nating kababayan. Sarsuelang pangit ang iskrip at pagganap ang ating nasasaksihan. Nagtuturuan ang mga kawatan at pagalingan ng pagtatakip na lamang.

Subalit ang hindi nila maitatatwa na apektado na sila sa sumisilakbong galit ng taumbayan. Ang mga Discaya ay natitigagal na sa pagsugod ng mga aktibista sa kanilang mansyon. Napipilitan na rin ang Palasyo’t Kongreso na magdaos ng kung ano-anong pakulo upang may kunwaring mapanagot. Todo-banta na rin ang pulisya sa mga nagpapakita ng ngitngit sa lumalalang kabulukan ng pamahalaan. Imbes na habulin ang magnanakaw, ang mga naningil ang gusto nilang kasuhan. Ito ang bahaging trahedya ng kanilang palabas.

Marapat na konklusyon

Hindi na tayo papayag sa ganitong iskrip. Kailangang manalo ang kabutihan sa kasamaan sa dulo ng palabas. Nagsimula na ang mga protesta sa Pasig, sa Kamara, sa Senado, sa Palasyo, sa Cebu, sa Davao, sa Iloilo, at sa Navotas laban sa muling bumubulwak na kabulukan ng gubyerno, ng burukrata kapitalismo.

Kulang pa. # (Raymund B. Villanueva)