Higit 160,000 pamilya apektado ng bagyong Paeng sa Panay

ni Sanafe Marcelo

Umabot sa higit 160,000 pamilya at nasa higit 600,000 indibidwal ang naitalang na-apektuhan sa pananalasa ng bagyong Paeng sa isla ng Panay noong Sabado, Oktubre 29.

Higit na 700 barangay at 51 na bayan at siyudad ang apektado sa isla na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz, at Iloilo.

Labindalawa naman ang naitalang kaswalti, apat dito ay patay. Mayroon ding naiulat na nawawala na patuloy pa ring hinahanap.

Ayon sa Panay Center for Disaster Response (PCDR), binayo ng bagyo ang hilagang Iloilo mula gabi ng Biyernes at umaga ng Sabado.

Sa pagtaas ng lebel ng tubig bunga ng ilang araw na pagbuhos ng malalakas na ulan, maraming sasakyang pangdagat, fishpen, baklad, floater at iba pa ang nawasak.

Malawak ang inabot ng pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa apat na lalawigan ng isla. Ang ilang mga kalsada rin dito ay hindi pa madaanan dahil sa baha at nasirang mga tulay.

Nananawagan ang PCDR ng tulong sa mga naapektuhan at nasalanta ng bagyo. #