‘Dalhin ninyo sa bawat larangan ang alab ng paglilingkod sa bayan’

Susing Pananalita sa 2025 UP CSWCD Recognition Rites

Ni Danilo Ramos, Tagapangulo, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas

Maraming salamat sa paanyaya. Isang malaking karangalan para sa akin na makapagsalita bilang pangunahing tagapagsalita sa makabuluhang pagtitipong ito — ang UP CSWCD Recognition Rites.

Mabuhay ang mga nagsipagtapos mula sa:

  • Departamento ng Pagpapaunlad ng Pamayanan,
  • Departamento ng Gawaing Panlipunan,
  • Departamento ng Aralin ukol sa Kababaihan at Kaunlaran, at
  • Programa sa Doktorado sa Pagpapaunlad ng Lipunan.

Binabati rin ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang buong pamunuan at kaguruan ng UP Diliman, gayundin ang mga magulang at tagapagtaguyod ng mga nagsipagtapos. Kayo ay katuwang sa tagumpay na ito — palakpakan po natin sila!

Napapanahon at makapangyarihan ang napili ninyong tema — Balang Araw, hango sa awitin ng Alay Sining at ni Ericson Acosta. Tunay ngang darating ang araw na bunga ng ating pagkakaisa, paninindigan, at sama-samang pagkilos, magagapi natin ang mga naghaharing uri, mapagsamantala, mapang-api, at ang dayuhang dominasyon sa ating bayan.

Batid ko ang sakripisyong inyong pinagdaanan, gayundin ng inyong mga magulang at mahal sa buhay, upang marating ang puntong ito. Mapalad kayo. Dahil sa matinding kahirapan, milyun-milyong kabataan sa ating bansa ang hindi nakakatuntong ng kolehiyo. Sa isang lipunang pinaghaharian ng hindi pagkakapantay-pantay, ang edukasyon ay naging prebilehiyo sa halip na karapatan. Kaya naman, mabuhay ang mga iskolar ng bayan!

Sa mga susunod na buwan, maaaring kayo ay mapabilang sa mga ahensya tulad ng DSWD, DEPDEV, o iba pang institusyon. O marahil, ilan sa inyo ay piniling maglingkod sa labas ng mga istrukturang ito bilang mga organisador ng kilusan ng kabataan, ng mga maralita, ng mga sektor sa laylayan. Sana ay marami sa inyo ang humakbang sa landas ng paglilingkod na radikal at makabuluhan kasama ang inyong mga magulang at pamilya, bilang mga katuwang sa panlipunang pagbabago.

Sa ating konteksto, ang tunay na pagpapaunlad ng pamayanan at lipunan ay hindi hiwalay sa estratehikong programang pang-ekonomya na nakabatay sa sariling lakas:

  • Tunay na reporma sa lupa
  • Pagpapaunlad ng kanayunan
  • Pambansang industriyalisasyon

Hindi ito makakamit hangga’t nananatiling dominante ang neoliberalismo at dikta ng dayuhang kapital. Kailangan natin ng ekonomiyang tunay na makabayan, makatao, at nakatuon sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Ang reporma sa lupa ay pundasyon. Layunin nito ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka hindi lang bilang simpleng redistribusyon, kundi bilang paraan ng pagkakamit ng katarungang panlipunan. Ang kontrol sa lupa ay dapat mapasakamay ng mga tunay na tagapaglikha ng pagkain: mga magsasaka, manggagawang bukid, at kanilang mga organisasyon.

Ngunit hanggang ngayon, nananatili ang monopolyo sa lupa:

  • Hacienda Luisita (6,453 ektarya), nasa kamay pa rin ng pamilyang Cojuangco-Aquino at Lorenzo. Noong 2024, dinemolis ang mga bahay sa Brgy. Central para bigyang-daan ang PHP18-bilyong proyekto ng Ayala Land.
  • Hacienda San Antonio–Sta. Isabel sa Isabela, 11,176 ektarya
  • Negros Occidental, Eduardo Cojuangco & Sons, 5,030 ektarya
  • Sa Mindanao, Dole Philippines (35,433 ektarya) at Del Monte Philippines (30,000 ektarya).

Kahit may mga programang PD 27, CARP, at RA 6657, pawang bigo ang mga ito sa pagbibigay ng lupa sa mga tunay na nagbubungkal. Sa halip, pinatibay pa ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at negosyante.

Graduation rites speaker and farmer-leader Danilo Ramos. (Photo by Prof. Judy Taguiwalo)

Ang kasalukuyang rehimen ng US-Marcos Jr. ay walang maipagmamalaking programa para sa reporma sa lupa. Sa halip, ipinatutupad nito ang SPLIT — dikta ng World Bank, na nagtutulak ng parcelization ng titulo ng lupa imbes na kolektibong pagmamay-ari. Hindi parin napapasakamay ng mga magsasaka ang lupa, at nilalayo lamang sila sa landas ng kolektibong pagsasaka. Lumalala ang land grabbing, land use conversion, pati na rin ang patuloy na pag-iral ng mga panginoong maylupa at mga political dynasty. Lumalala rin ang pagkasira ng ating kalikasan, na kitang kita naman sa mga agarang pagbaha na dulot ng panaka-nakang pag-ulan. Sa huli, walang tuwirang pagkilala sa sigalot sa lupa ang administrasyong Marcos Jr., at nagpapatuloy lang ang paghahari at pagtamasa ng iilan sa mga biyaya ng lupa.

Ang sabwatan ng gobyerno at mga kartel sa industriya ng bigas ay patuloy na nagpapalala sa krisis sa pagkain sa bansa. Imbes na suportahan ang lokal na produksyon, mas pinili ng pamahalaan ang landas ng import liberalization — isang polisiyang naglalantad sa lokal na magsasaka sa mapangwasak na kompetisyon ng murang bigas mula sa dayuhan. Ang pagpapatupad ng Rice Liberalization Law (RA 11203) noong 2019 ay isang kongkretong halimbawa nito. Ipinangako ng batas na ito na papalitan ng taripa ang dating quantitative restrictions o quota sa pag-aangkat ng bigas, kung saan ang makukuhang buwis ay ilalaan para sa modernisasyon at suporta sa mga magsasaka.

Ngunit sa halip na mapabuti ang kalagayan ng industriya ng bigas, mas lalo itong pinabagsak ng batas. Mula nang maisabatas ito, bumagsak ang presyo ng palay sa antas na hindi sapat upang mabawi ng mga magsasaka ang kanilang gastos sa produksyon. Sa halip na palakasin ang lokal na produksyon, higit pang ginawang palaasa sa dayuhang ani ang bansa habang ipinagkait sa sektor ang nararapat na subsidiya at imprastruktura.

Sa ganitong kalagayan, malinaw na ang Rice Liberalization Law, at ang pangkalahatang aktitud ng pamahalaan sa pagkain at agrikultura, ay hindi nagsilbi sa interes ng mamamayan o ng mga nagtatanim ng palay. Sa halip, nagsilbi itong kasangkapan ng liberalisasyon at deregulasyon, pabor sa mga kartel ng bigas at importers na pinakikinabangan ang disbalanseng merkado.

Mga ginigiliw kong nagsipagtapos, mahalaga ang inyong kaalaman, lakas, at malasakit. Sa gitna ng panlilinlang, disimpormasyon, at pagbabaluktot ng katotohanan, ang kabataan ang kailangang tumindig at magmulat. Higit kailanman, kinakailangan ang kabataang marunong magsiyasat, tumindig, at kumilos, kasama ang uring magsasaka at iba pang aping sektor ng lipunan.

Sa aking karanasan sa pag-oorganisa, mahalagang aralin ang mga sumusunod:

  • panlipunang pagsisiyasat
  • pagsusuri sa uri
  • kakayahang makinig, pagiging magpakumbaba, kahandaang magsakripisyo
  • at higit sa lahat, paninindigan at kasigasigan sa pagkilos.

Bunga ng matibay na pagkakaisa ng mga magsasaka at ng malawak na pakikiisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan, nakamit natin ang mahahalagang tagumpay — sa usapin ng lupa, pagkain, at pagkilala sa karapatan ng mga mamamayan sa kanayunan. Ang bawat ektarya ng lupang naipaglaban, bawat patakarang naisulong, at bawat pagkilos na nagbigay-tinig sa mga inaapi — lahat ng ito ay patunay na posible ang pagbabago kapag sabay-sabay tayong kumikilos.

At tulad ng tema ninyo ngayon, “Balang Araw,” naniniwala kami na darating ang bukang-liwayway ng ganap na tagumpay. Ngunit hindi ito darating sa pag-asa lamang. Hindi ito ibinibigay, kundi ipinaglalaban. Ang araw ng tagumpay ay dumarating lamang sa mga handang magpunyagi, magsumikap, at tumindig para sa kapwa.

Mga nagsipagtapos, sa inyo nakasalalay ang susunod na kabanata ng ating kasaysayan. Kayo ang mga bagong guro, mananaliksik, organisador, manggagawa ng lipunan, lider ng mga pamayanan, tagapagtaguyod ng karapatan at katarungan. Dalhin ninyo sa bawat larangan ang alab ng paglilingkod sa bayan. Huwag kayong matakot magsalita, kumilos, at makisangkot. Higit kailanman, kinakailangan ng lipunan ang talino, puso, at paninindigan ng kabataang makabayan.

Tandaan ninyo: Ang tagumpay ng mamamayan ay laging bunga ng pagkilos ng mamamayan. At ang tunay na karangalan sa pagtatapos ay hindi lamang ang medalya o diploma, kundi ang desisyong gamitin ang natutunan para sa kapakanan ng nakararami.

“Balang araw” ay hindi lamang pangarap. Ito ay panata. At kung tayo ay sama-samang kikilos, ang bukang-liwayway ng hustisya, kalayaan, at tunay na kaunlaran ay tiyak na sisikat.

Ibayong magpunyagi! Sumulong at magtagumpay!
Mabuhay kayo! Mabuhay ang kabataang mulat at makabayan!
Maraming salamat.