Ni Aris Remollino
Kagabi, bago matulog,
umulan nang malakas,
may kidlat at may kulog.
Bumabaha na naman
sa KM4 sa La Trinidad.
Bumabaha rin, umuulan
ng mga anomalya sa
social media, nang dahil
sa mga korap na kontrata
ng DPWH. Bumaha ang putik
na initsa ng mga raliyista
sa gate ng bahay ng mga Discaya.
Bakit nga ba tayo magtataka?
Naiipon, parang ulan, ang galit
at indignasyon ng mamamayan.
Bukas, o sa makalawa, baka
sumabog ang tangke ng tubig
sa ating mga katawan. Babaha
ang mga paang dumadagundong
sa bitak-bitak nating mga lansangan.







