Ang laban sa VFA ay pagtutol sa imperyalismo

Ni Nuel M. Bacarra

Dalawampu’t limang taon lamang ang buhay ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng US at Pilipinas. Nagtapos ito nitong Mayo 27. Ito ay isang “kasunduan” sa pagitan ng mga punong ehekutibo ng dalawang bansa. Bagamat niratipika ito ng Senado ng Pilipinas, hindi ito pinagtibay ng Senado ng US.

Ang VFA ay isang kasunduan para sa paghimpil subalit relyebuhang presensya ng mga sundalong US sa bansa. Ibig sabihin lamang, lagi’t laging may presensya ng tropang militar ng US dito sa bansa. Siniguro ng kasunduang ito ang hurisdiksyon ng US sa mga sundalo nito na may krimeng ginawa sa bansa. Lisensya ito na nagbabasura sa sistema ng hustisya ng bansa sa usapin ng mga krimen ng sundalong US laban sa mga Pilipino.

Ang kasunduang ito ay napatunayang lubusang kilíng sa mga banyaga sa kaso ng brutal na pagpatay kay Jennifer Laude ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton noong Oktubre 2014, sa Olongapo City, Zambales at sa paggahasa kay Suzette “Nicole” Nicolas ni Lance Corporal Daniel Smith noong Nobyembre 1, 2005. Ito ang larawan ng tagibang na relasyon na mas iniligtas ang kriminal kaysa gawaran ng pabor na husga ang biktima. Subalit ang pilit na itinatago rito ay ang pagiging sunud-sunurang “pyesa” ng Pilipinas sa kabuuang laro ng imperyalismong US sa buong mundo.

Base militar ng US ang buong bansa

Hindi dapat malinlang na ang siyam na lugar sa bansa ngayon ay mga lugar lamang ng kooperasyon sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA. Mga base militar ito ng US at aariin ito nang walang anumang kompensasyon at walang akses ang mga Pilipino tulad ng mga base militar ng US noon sa Clark, Subic at iba pang lugar. Kung saan may pagsasanay militar ang US, naroon ang mga sundalong Kano na ibig sabihin lamang, ang buong Pilipinas ay tila magiging base militar ng dayuhang imperyalista.

Nitong Pebrero, may kabuuang 568,000 pasilidad ang US sa mahigit 4,790 na mga lugar sa buong mundo. Binubuo ito ng mga base militar, kampo para sa pagsasanay, instilasyon ng komunikasyon at iba pa. Kabilang dito ang 750 base militar ng US sa 80 bansa at mga teritoryo nito, Hindi ito katapat ng  52 base militar ng Russia na nakapakat sa mga bansang dating saklaw ng Unyong Sobyet at 29 naman mga base militar ng China. Samantala, naka-istasyon ang 173,000 tropang militar ng US sa 159 na bansa.

Mayroon nang panukalang badyet ang US sa 2025 na $9.9 bilyon para sa programang Pacific Deterrence Initiative na kapapalooban ng mga konstruksyong militar, suportang operasyong lohistikal at mga aktibidad kaugnay ng ballistic missile defense.

Kaya, handang-handa ang US para hamunin ang anumang bansa ng gera. Ginagamit ng US ang gera para sa ambisyong maging solong pinakamakapangyarihang bansa. Nakapagparami ng base militar ang US matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, noong panahon ng Cold War at sa umanong gera kontra-terorismo. Sa ngayon, ito ang pangunahing taga-suplay ng mga kagamitang pandigma sa proxy war nito sa Ukraine at Israel. Magpaparami pa ng saklaw ang US, hangga’t may mga bansang lumalaban kontra sa okupasyon at agresyon at mga bansang naglulunsad ng rebolusyon laban sa imperyalismo.

Nang-uupat ito ng gera para magnegosyo at itambol ang lakas nito upang paluhurin ang mga bansa sa kontrol nito. Ang gera sa Ukraine ay sulsol nito upang hamunin ang Russia at lumpuhin ang rekurso para mapahina ang militar na kapabilidad ng Russia. Ginagamit nito ngayon ang usapin ng mapanghamong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) gamit ang Pilipinas bilang pain sa paghahamon ng gera. Minomobilisa ng US ang ibang bansa tulad ng Japan at France na pumasok sa kasunduan sa Pilipinas para magkaroon ng tipong-VFA na kasunduan tulad ng planong Philippines-Japan reciprocal access agreement.

Modernisasyon?

Sa mga ganitong imperyalistang maniobra ng US, tango lamang ng tango ang Pilipinas sa bawat naisin ng amo nito. Ang napakalinaw na patakarang panlabas ng bansa ay ang pagsandig sa US para ipagtanggol ang bansa sa mga butangerong bansa tulad ng China sa WPS.

Sa bawat kasunduang pinapasok ng gubyerno ng Pilipinas sa ibang bansa, laging dehado ang sambayanang Pilipino. Sa ngayon, ni walang anunsyo ang dalawang kapulungan ng konggreso kung ano ang kahihinatnan ng VFA kahit na nitong Lunes, May 27, ay 25 taon na ito na siyang panahon na dapat lamang itagal ng kasunduan.

Napatunayang pabor lamang ang kasunduang ito sa mga sundalong US kahit sentensyado sa krimen nilang nagawa sa mga Pilipino tulad ng mga Smith at Pemberton. Bagamat may mga pagsasanay-militar sa mga Balikatan, ni wala pang kumakasa sa pambobomba ng tubig ng Tsina. Sa ngayon ang mga mangingisda, kabataan, guro at iba pa ay matagumpay na pumalaot sa WPS mula sa Zambales ang humamon sa Tsina kung mang-aaresto nga ito batay sa naunang anunsyo.

Hindi ang VFA ang behikulo sa modernisasyon. Sa mahigit pitong dekada ng pagkakaroon ng mga kasunduang militar sa US, palasak na itinatambol ang modernisasyon ng AFP. Ang ipinangangalandakang ranggo ng Pilipinas na ika-34 sa pinakamalakas na militar sa 145 bansa sa buong mundo ay dahil pa sa dami ng sundalo at reserba nito dulot ng mataas na porsyento ng kawalang-trabaho sa bansa. Subalit bagsak ito sa usapin ng mga modernong kagamitan at kakayahang makidigma.

Walang bagong kagamitang militar iaabuloy ang imperyalismong US sa AFP kundi yaong mga laspag na, pinaglumaan at di nakatutugon sa pangangailangan. Mula 1951, atrasado at luma na ang inaabot ng antas ng kagamitang militar ng AFP. Binibili ng gubyerno ng Pilipinas ang ipinagmamalaki nitong kagamitan mula sa Israel, India, Turkiye, South Korea at hindi sa US. Hindi rin mainam na sa US bumili ng mga tunay na modernong kagamitan dahil mananatili sa military nito ang kontrol sa mga missile at fighter jets tulad ng F16.

Larawang kuha ni N. bacarra/Kodao

Wakasan ang VFA

Mangangailangan ng dambuhalang pagkilos ng maamamayan para sa pagbasura sa VFA. Lantaran ang pakikialam ng US sa usaping internal ng Pilipinas. Ginamit ang VFA para sa operasyon noong 2015 sa Mamasapano sa panahon ng rehimeng Aquino II na sangkot ang mga sundalong US. Gayundin sa pagwasak sa Marawi City sa panahon ni Duterte dahil sa grupong Maute. Sa ngayon, kinakaladkad nito ang bansa sa planong pangge-gera sa Tsina na siyang layunin ng mga ehersisyong Balikatan sa WPS at sa iba pang estratehikong lugar sa Pilipinas.

May matibay na dahilan upang labanan ang lahat ng tagibang na kasunduang militar sa iba’t ibang bansa partikular sa US. Pero hindi lamang ito ang kailangang pagtuunan ng pansin at direksyon ng paglaban. Ang inahin ng VFA at ng iba pang kasunduang militar na pinasok ng Pilipinas ay ang Mutual Defense Treaty ng 1951. Hangga’t nananatili ito, magsususon-suson lamang ang mga kasunduang militar dahil sa pagiging papet na republika sa US.

Hindi makakawala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa banta ng panloob na seguridad ng bansa laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kapwa ito at ang agresibong aksyon sa WPS ng China ay di kayang harapin ng AFP dahil sa pagkasanay nitong umasa ng ayuda mula sa imperyalismong US.

Hindi pagtulong kundi pagsilo na maging palaasa ang bansa ang dulot ng mga kasunduang militar sa dayuhang kapangyarihan. Buladas ang ipinangangalandakang modernisasyon para sa AFP. Kailangang wakasan na ang paniniwala sa mga na ito. Iisa ang layon nito, ang bitagain ang bansa sa imperyalistang kontrol sa pagkakanulo ng mga nagsipagrelyebong rehimeng siláw sa kapangyarihan at yaman.

Mayaman ang karanasan ng mamamayang Pilipino sa pakikidigma sa dayuhan. Pero ang tagumpay ng bayan ay laging inaagaw ng dayuhang kapangyarihan na nagkukunwaring tagapagligtas ng bansa dahil sa marupok ang pampulitikang paninindigan ng naghaharing uri. Kung gayon, ang laban kontra sa VFA at sa anumang patakarang ipinapataw ng dayuhan ay dapat iangat sa usapin ng pandaigdigang laban sa imperyalismo na komprehensibong sasaklawin ang ekonomiko, pulitikal, kultural at militar na aspeto ng lipunang Pilipino. #