ITANONG MO KAY PROF: Podcast on Transition Council
Panayam ng Kodao Productions kay Prof. Jose Maria Sison hinggil sa transition council.
MARCH 4, 2015
1. Ano po ang ibig sabihin ng transition council? Kailan po ito itinatayo o binubuo?
JMS: Sa aking pag-unawa, ibig sabihin ng transition council ay temporayo at tulay lamang sa isang permanente o regular na kaayusan. Puedeng palitan agad si Aquino ng konseho at bigyan daan ang elekyson para palitan siya. Puedeng itayo o buuin ang konseho bago pa mapatalsik si Aquino.
2. Sino-sino ang bumubuo sa transition council at anong kapangyarihan meron ito?
JMS: Pwedeng buuin ang transition council ng mga personahe na dating nannungkulan nang marangal sa gobyerno at mga kinatawan ng mga mayor na pwersang magpapatalsik kay Aquino. Pwedeng patakbuhin ng council ang gobyerno hanggang ihalal ang kapalit ni Aquino.
3. Ano po ang inyong pananaw sa mga nag-iisip na si Binay kasi ang papalit (na isa ring corrupt) kaya pagtiyagaan na lamang si Pnoy at hintayin ang election?
JMS: Pwedeng council ang magpatakbo sa gobyerno sa halip na si Binay, kung kaya ng masang patalsikin si Aquino at may suporta ng pulis at militar. Masama na panatilihin ang isang masamang lider sa takot na masama ang papalit. Mabuti naman ang konseho bilang kapalit. Pagsikapan na mangibabaw ang konseho sa halip na tanggapin na lamang na manatili ang masamang lider.
4. Sa inyong pagtingin, aalis po ba sa pwesto si Pnoy?
JMS: Kapit tuko yan sa kapangyarihan tulad ng mga kasabwat niyang masisiba. Magtagumpay man o hindi ang kilusang pagpapatalsik, makakalikha ng lakas ng masa para tiyakin na malitis at maparasuhan si Aquino at mga kasabwat niya kapag tapos na ang termino nila. Kung maghalukipkip na lamang tayo, hindi magkakaroon ng hustisya sa kahulihan.
5. Ano po ang inyong pagtingin sa ginawang pagdinig ng Kongreso at Senado sa Mamasapano incident? Marami po ang hindi nasiyahan sa resulta dahil sa pag-iwas na kundinahin ang Amerika at si Noynoy Aquino.
JMS: Lumilitaw na hindi ganap at puspusan ang imbestigasyon. Hindi tinuunan ang pananagutan ng US at ni Aquino. Galit ang maraming pulis at militar kay Aquino dahil ipinahamak niya ang sariling tauhan at umayaw siya sa pagsaklolo sa kanila sa loob ng maraming oras.
Dagdag na tanong:
1. Meron po ba kayong mensahe sa pandaigdigang araw ng kababaihan?
JMS: Taus puso akong bumabati sa kababaihang Pilipina sa araw ng kababaihan. Dapat ipaglaban nila ang pagkakapantay sa kalalakihan sa lahat ng gawain at pagpupunyagi sa lipunan. Ibayong uunlad ang lipunan kung ang kalahati nito, ang kababaihan, ay lubusang may laya at pagkakataon na iambag ang kaya nila sa pulitika, ekonomya, kultura at ibang larangan ng sosyal na pagsisikap.