(SONA 2026)
Ni George T. Calaor
Sa gitna ng baha
sa putik ng nayon…
nakalutang ang
bangkay ng
pangakong
sa kawalan
ng katuparan
ay ibinaon.
Bilyon-bilyong pondo
ang inilagak sa mga
multong proyekto
kaya sa rumaragasang
galit ng mga ilog
ang maralita
ang nilamon.
“Mahiya naman kayo!”
ani ng hari sa palasyo…
kunwari ay galit
sa mga manggagantso
ngunit ang totoo…
siya ang hari ng mga
kumakatay sa bansa
pagkat sa mga korap…
siya ang sinasambang
buhay na rebulto.
Magsasaka, wala nang binhing maipunla—kinakamkam
pa ang lupa…
ngunit naroon ang haring sa dayo ay buong-aliping
nagpapakatuta…
kalupaan ng bansa
ay ginawang taniman
ng imperyalistang digma.
Mangingisda ay
itinataboy sa sariling
karagatan.
Manggagawa
ay nanatiling
naka kadena
sa kalansing
ng barya-baryang
sahod at pagkaalipin.
Kabataan ninanakawan
ng ginintuang silahis
ng kinabukasan…
habang sa palasyo
ay lasing sa kapangyarihang
nagdiriwang
ang angkan
at ang sirkulo
ng naka-barong
na mga kawatan.
Ngunit makinig kayo…
naghahanda
ang mga
nasa kubo…
hindi na paghibik
ang namumuo
sa dibdib ng bayan
kundi unos.
Dumadagundong
ang martsa ng
libu-libong kamao.
Walang nahiya!
Wala sa bulwagan
ang paglaya!







