Inalay ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines Inc. ang tagumpay sa martir nilang si Dandy Miguel
ni Alvinson V. Aligam
CALAMBA, LAGUNA — Matagumpay na naipaglaban ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines Inc. (LNMFEPI) ang panibagong Collective Bargaining Agreement (CBA) na naglalaman ng dagdag sahod at benepisyo matapos ang negosasyon sa pamunuan ng kumpanya noong Hwebes, Hulyo 17.
Ayon sa bagong kasunduan, mayroong ₱50 dagdag-sahod kada taon mula 2025 hanggang 2027, kasama ang pagpapatupad ng seniority pay, rice at meal allowance, at iba pang insentibo at benepisyo.
Ang panalo ng LNMFEPI ay bunga ng ilang serye ng negosasyon sa pagitan ng unyon at pamunuan ng kumpanya.
Pinagpupugayan ng Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang tagumpay ng unyon, kasapi ng OLALIA-Kilusang Mayo Uno.
Ayon sa kanila, patunay ang bagong CBA sa bisa ng kolektibong pagkilos ng mga manggagawa upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa disenteng sahod, gayundin ang makataong kondisyon sa paggawa.
Ang Fuji Electric Philippines ay matatagpuan sa loob ng Carmelray Industrial Park I sa Calamba, Laguna. Gumagawa ito ng mga diode, resistor, at transistor na iniluluwas sa pandaigdigang merkado.
Noong 2014 pa lamang, kinilala na ang LNMFEPI bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) matapos ang serye ng kampanya laban sa mababang sahod at kakulangan sa benepisyo.
Sa panahong iyon, nasa ₱400 lamang ang arawang sahod, at kulang ang suporta para sa pagkain, transportasyon, at medikal na pangangailangan ng mga manggagawa.
Simula noon, hindi na tumigil ang unyon sa kolektibong pagkilos. Nauna nang nagtagumpay ang LNMFEPI sa mga nakaraang CBA negotiation, kabilang ang makasaysayang kasunduan noong Disyembre 2020 na umabot sa 23 sesyon para sa dagdag-sahod at mga benepisyong kaugnay ng pandemya.
Ang kanilang ika-limang CBA ngayong 2025 ay sumasagisag sa patuloy na paglakas ng kilusang paggawa sa loob ng Fuji Electric Philippines, anila.

Alay kay Dandy Miguel
Ayon sa kanilang ahayag, ang kanilang mga tagumpay ay may kasaysayang binaybay ng sakripisyo.
Isa sa pinakamabigat na yugto ng kanilang pakikibaka ay ang pagpaslang kay Dandy Miguel, dating pangulo ng LNMFEPI at vice chairperson ng PAMANTIK-KMU, noong Marso 28, 2021—bahagi ng marahas sa tinaguriang “Bloody Sunday” na tumarget sa mga aktibista at unyonista sa Timog Katagalugan.
Si Miguel ay kilalang lider sa laban para sa regularisasyon at makataong pasahod sa Fuji Electric. Ang kanyang pagkamatay ay nagbunsod ng malawakang panawagan ng hustisya sa loob at labas ng pabrika.
Habang ipinagdiriwang ng mga manggagawa ang bagong CBA, lalo pang tumitibay ang kanilang paninindigan para sa mas malawak na pagbabago, ayon sa unyon.
Dagdag nila,sa darating na State of the Nation Address (SONA) 2025, makikilahok ang mga miyembro ng LNMFEPI bilang mga tunay, palaban, at makabayang unyonista, bitbit ang panawagan para sa:
- ₱1,200 across-the-board national minimum wage
- Pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo ng bilihin
- Pagwawakas sa kontraktwalisasyon at iba pang porma ng pagsasamantala
Sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo ng bilihin, mababang sahod, at panunupil sa mga karapatang paggawa, mensahe ng mga manggagawa ng LNMFEPI ang ibayong pakikibaka hindi lamang para sa kanilang hanay kundi para sa buong sambayanang Pilipino. #







