Posts

Mga manunulat na Novo Ecijano at ang Wikang Pambansa

Ni Carlos Marquez

HANGGANG sa kasalukuyan, lingid sa kaalaman ng marami, kasama ang mga manunulat na taga-Nueva Ecija sa mga nagsipagmalasakit sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Nasa listahan ng mga manunulat ngayon na taga-Nueva Ecija na kinikilala sa buong daigdig sina: (sa pagkakasunod ayon sa alpabeto) Rony V. Diaz, Rogelio Mangahas, Maria Odulio De Guzman, Wilfredo Pascual, at Rogelio Sicat.

Si Diaz, ipinanganak sa Cabanatuan nuong Disyembre 2, 1932, ay isa pang premyadong manunulat, naging executive director ng Manila Times School of Journalism, at awtor ng “The Centipede “.

Nakilala si Rogelio Mangahas, taga-Palasinan, Cabiao, Nueva Ecija, sa kanyang akdang “Mga Duguang Plakard”, na nagkamit ng unang gantimpala sa Gawad Palanca. Kinilala rin at hinangaan ang kanyang kritika sa nobelang “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes.

Awtor ng 16 na diksyunaryong English-Filipino at Filipino-English si Maria Odulio de Guzman, na kauna-unahang babaeng guro sa hayskul sa buong Pilipinas. Naging prinsipal siya sa Nueva Ecija High School. Nagsalin din siya ng Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ni Jose Rizal mula sa orihinal na Kastila sa Filipino.

Tubong San Jose City, Nueva Ecija, naman si Wilfredo Pascual Jr., kinilala sa buong daigdig bilang manunulat ng sanaysay, dalawang beses na nagkaroon ng Gawad Palanca, at kabilang sa Samahang Makasining, isang organisasyon ng mga alagad ng sining.

Ipinanganak sa San Isidro, Nueva Ecija si Rogelio Sicat na lubhang nakilala sa kanyang premyadong maikling kuwentong “Impeng Negro”. Ang kuwentong ito na nagwagi ng Gawad Carlos Paalanca nuong 1962 ay tumatalakay sa panduduro (bullying) at hindi patas na tingin sa lahi (racism) na pangunahing isyung panlipunan sa bansa.

Sinulat din ni Ka Roger Sikat ang dulang pantanghalang “Moses, Moses” na tumatalakay sa tagibang na paggagawad ng hustisya ang paniniil ng mga politiko – na kabing-kabi sa kasalukuyang panahon.

Kilala ring guro si Sikat. Siya’s naging propesor at dekano sa Kolehiyo ng Sining at Letra sa University of the Philippines. #

Bahagi ito ng serye ng premyadong mamamahayag at makatang si Carlos Marquez hinggil sa wika ngayong Buwan ng Wika.

Ang huling pagtula ni Rogelio Mangahas

Ang tulang “Paggunita sa Sitio Bawit,” ang pinakahuling tulang binigkas ng makatang si Rogelio Mangahas noong paglulunsad ng isang libro sa Universidad ng Pilipinas noong ika-16 ng Hunyo 2018.

Si Roger Mangahas ang isa sa ama ng makabagong panulaan sa bansa at kinikilalang higante ng panulat ng bayan.

Siya ay pumanaw noong ika-4 ng Hulyo 2018.

Pahaging sa bagong hari

Ni Rogelio G. Mangahas

Aba, bagong hari’y
tila isang multo sa gabi at araw,
dulot ay kilabot
ng anino’t tinig, ng banta’t tungayaw;
Ang idolo pala’y
ang naging diktador nitong sawing bayan—
malaon nang abo’y
minumulto pa rin pati kasaysayan.

Hari, bakit nga ba
lugod mong nalibing sa may puring pook—
labí ng idolong
isang mandarambong, sa baya’y balakyot?
Kahit na batid mong
kayraming biktima ng rehimeng buktot,
puso mo’y minanhid
ng hubris, misteryong talos lang ng bundok.

Hari, bakit ngayo’y
tila lugod mo nang tumumba sa dilim—
bata ma’t matandang
hinalang tumahak sa landas ng baliw?
Tunay bang nanlabán
kahit ang mag-amang may posas sa karsel?
Katarunga’y nahan
sa bayang wika mo’y bayang ginigiliw?

Hari! Kaytapang mong
bumulyaw, kumalas sa banyagang poon,
ngunit ngayo’y bakit
nangangayupapà sa oso at dragón?

Tulad mo nga’y multo,
sa araw at gabi’y may atungal, tahol—
ngunit ang milenyal,
hindi pasisindak sa multo’t diktador!

–Isinulat noong Nobyembre 20, 2016, Araw ni Bonifacio

= = = = =

Si Rogelio Mangahas, ayon sa Komisyon ng Wikang Filipino, ang isa sa mga nagsulong ng matagumpay na modernismo sa panulaang Filipino, kasama sina Lamberto E. Antonio at Rio Alma. Siya ay premyadong makata, manunulat, kritiko, guro, aktibista, makabayan, at tagapagsulong ng panitikan at wikang Filipino.

Pumanaw siya ngayong umaga dahil sa sakit.