Si Ate Melod at ang patuloy na pakikibaka ng SUMIFRU workers

Si Ate Melody “Melod” Gumanoy, 43 taong gulang, ay isa sa mahigit 300 manggagawa ng Sumifru, isang Japanese company sa Mindanao na nag-eexport ng mga prutas. Nagtungo sa Maynila ang mga nagwewelgang manggagawa ng Sumifru upang ipanawagan ang pagpapatigil ng kontraktwalisasyon ng kumpanya.

Mahigit 23 taon nang manggagawa si Melod sa Sumifru. Siya rin ang secretary ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (NAMASUFA-NAFLU-KMU). Nagsimulang magwelga ang mga manggagawa sa iba’t ibang planta ng Sumifru noong Oktubre 1, 2018, dahil ito sa pagmamatigas ng management ng kanilang kumpanya na gawin silang regular.

Sa kawalang suporta ng LGU sa kanilang lugar sa Compostela, Compostela Valley at patuloy na pandarahas sa kanila sa ilalim ng batas militar sa Mindanao, sa Maynila na nila ipinagpapatuloy ang kanilang laban. Isa lamang si Ate Melod sa marami pang kababaihang manggagawa na biktima ng hindi patas ang pagtrato, walang sapat na sahod at hanggang ngayon ay kontrakwal pa rin.

Patuloy na ipinaglalaban ng mga manggagawa ng Sumifru ang kanilang karapatan sa sapat na sahod, regularisasyon at pagkakaroon ng sapat at tamang benipisyo para sa mga kababaihan at matatanda. (Bidyo ni: Jo Maline D. Mamangun/ Kodao)