Ngayong araw ang ika-pitong anibersaryo ng asasinasyon kay Randy Malayao, National Democratic Front of the Philippines peace consultant. Pinaslang siya sa loob ng isang bus sa Aritao, Nueva Vizcaya habang pauwi sa Isabela.
Ang pagpupugay na ito ay unang binasa sa “Bloom Where You Are Planted,” A Tribute to Randy Felix P. Malayao, 19 Pebrero 2019, Institute of Biology, University of the Philippines-Diliman, Quezon City.
Ni Raymund B. Villanueva
ANG bayan ni Randy—ang aming lugar-kapanganakan at tinubuan—ang pinakamatanda sa buong lalawigan ng Isabela. Bago dumating ang mga Kastila, kilala ito sa tawag na Maquila na ang ibig sabihin ay “makinang” o “maningning.” Orihinal sa lugar na ito ang mga Iraya, ang mga may-ari ng eleganteng lengwaheng iilang dosena na lamang ang nakakapagsalita. Kalaunan, dumami kaming mga Ybanag at naging dominante sa lugar. Ayon sa mga istoryador, ang sentro ng aming bayan noon ay may tatlong daang pamilya na ang teritoryo ay saklaw ng mga kasalukuyang bayan ng San Pablo, Cabagan at Santa Maria.
Sa unang bahagi ng ikalabing-anim na siglo, dumating ang mga Kastila sa pangunguna ng mga misyonaryong Dominikano. Ika-apat kami sa may pinakamatandang misyon sa buong lambak ng Cagayan—Lallo, 1581; Camalaniugan, 1595; Abulug, 1596; at San Pablo, 1598.) Naging pormal kaming bayan noong Nobyembre 30, 1646, wala pa mang lalawigan ng Isabela. Itinayo ang isang simbahang napakalaki at napaka-gara. Ang kampanaryo ng San Pablo Apostol de Cabagan pa nga ang pinakamataas sa buong Hilagang Luzon. Sa gawing harapan nito ay ang guho ng lumang ayuntamiento. Sa paligid nama’y mga tulay na gawa sa bato at ang ermita na ang mga ladrilyo’y kalaunang ninakaw at matatagpuan sa mga bahay ng mga mayayamang tiga-amin sa Ayala Alabang at iba pang pang-mayamang komunidad sa Kamaynilaan.

Kung saan nagtatagpo ang maliksi at malinaw na Pinacanauan River at ang pinakadakilang ilog ng bansa, ang Cagayan, ay ang baryo ng Minanga. Dito, sa matatabang lupang inaaabonohan ng taunang pagbaha ng mga ilog, sa lilim ng pinakamatatayog na bundok ng Sierra Madre, at sa ilalim ng kampanaryo ng lumang simbahan, isinilang noong ika-dalawampu’t siyam ng Agosto, 1969 ang aking itinuturing na pinakadakilang anak ng San Pablo: si Randy Felix Paraggua Malayao. Bunso siya ng lingkod-bayan na si Felix Malayao at ang magandang si Nena Paraggua na mula sa matandang angkan na may malawak na lupain sa buong bayan. Sa kanyang binyag, ninong niya ang aking ama at ninang naman niya ang kalaunan ko ring naging ninang na si Teofista Ramos, ang aming si “Mama Fing.”
Si Mama Fing ang nagpasikat sa tawag na “Didong” sa aming lahat na kanyang inaanak. Marami-rami kaming Didong, ngunit hinala kong si Randy ang kanyang pinakapaborito. Ang aming ninang ay noo’y kasera sa kanilang bahay samantalang siya ang prinsipal ng Minanga Elementary School. Nasubaybayan niya si Randy mula pagka-bata hanggang pagbibinata.
Ayon sa kanyang ate, napakasipag ni Randy sa gawaing bahay: nagluluto, naglilinis, nagsasaing, tumutulong sa paglalaba sa ilog (kahit pa mayroon silang mga katuwang sa bahay). Kung panahon ng salagubang o abaling (pupae ng salagubang na paborito ng mga Ibanag) nasa bukid si Randy na nakikihuli. O nangunguha ng mga suso o anumang maaring maiuulam sa mga ilog at sapa.
Matalino, mabait, masunurin. Noon pa nga’y tila mahiyain. Ako pa na bumibisita sa kanilang bahay ang mas malikot. Dahil madalas maglaro ng chess ang aming mga tatay, minsa’y sinubukan naming maglaro ni Randy. Matapos niya akong kay daling talunin, hindi na namin kailanman inulit.
Bantog na noon pa lamang ang pangalang Randy Malayao. Sa buong panahon ni Randy sa elementarya, siya ang first honor. Laging puno ang kanyang suot ng mga ribbon tuwing commencement exercise. Tuwing may meeting ang mga guro ng buong distrito, palagi siyang nababanggit at pinag-uusapan. Ika nga ng kanyang mga ka-edad sa aming baryo—na karibal ng Minanga—kapag si Randy ang kinatawan ng Minanga Elementary, second place na lang ang pagtatalunan. Panalo sa mga quiz bee na sinalihan, naging pambato pa ng buong Region II sa National Spelling Bee.
Tinanong ko ang kanyang ate kung nasaan ang mga larawan ni Randy noong siya ay bata pa. Si Randy raw mismo ang nagtago ng mga iyon at di na nila alam kung nasaan.
Mula elementarya, pumasa si Randy sa science high school sa Isabela State University—kung saan nag-aral ang pinakamatatalino sa hilagang Isabela. Ayon sa kanyang kaklase na kalauna’y naging brod sa Beta Sigma, tahimik lang sa klase, ngunit may dating ang sagot sa mga tanong ng guro. At pagkatapos ay isa siya sa mga pumasa sa UP Diliman.
Hindi iilang beses kong narinig sa aking magulang, ninang, guro, at iba pa, gayahin ko raw sa talino, bait at sipag si Randy. Siyempre, hindi ko kinaya. Taglay niya pa rin ang mga katangiang ito maging sa kanyang pagbabaguntao, sa pagiging mag-aaral sa lungsod, sa kanyang kalaunang pagiging aktibista at rebolusyonaryo.

Dahil nalipat ng kanyang kolehiyo sa bagong-tatag pa lamang noong UP sa Miag-Ao, sa isla ng Panay namulat si Randy at kalauna’y nakilala sa buong bansa, maging sa ibang bayan, bilang lider-estudyante at aktibista. Sa kanyang sangandaan, sa aming lambak niya napiling maglingkod ng buong panahon. Umuwi sa aming lambak si Randy upang patunayan ang kanyang pagmamahal sa bayan; umuwi sa amin si Randy upang isulong ang rebolusyon at pagpapalaya ng bayan. At sa aming lambak siya nag-alay ng buhay.
Tulad ng tanim naming mais, palay, tabako at iba pa sa matataba naming lupa; mula sa tagpuan ng mga dakila naming ilog sa lambak ng Sierra Madre, Cordillera at Caraballo; sa lilim ng aming matayog na kampanaryo, aming mga lumang simbahan at moog, inihayo ng Maquila-Cabagan-San Pablo-Sta Maria ang aming pinaka-maningning at dakila. #








