POETRY: Apat na tula hinggil sa Kidapawan
1. Tuwid ang daan ng kanilang bala
–
Ang balita mula sa malayong rehiyon
Paparating ang kandidato ng administrasyon
Ayaw mapahiya ng mga kapartido
Kailangang mawalis ang daang Cotabato.
–
Ang ulat ng lider pesante
Nagreklamo raw ang mga negosyante
Dahil sa tumatagal na protesta
Humina na ang kanilang kita.
–
Tatlong araw nang nakabarikada
Anim na libong magsasaka
Nagugutom kaya nangagsiaklas
Para sa iilang kaban ng bigas.
–
Tila mas mura ang bala
Ang kita ay mas mahalaga
Kaysa tumugon sa panawagan
Ng gutom na mamamayan.
–
Ano bang putahe itong karahasan
Anong lasa ng tingga sa lalamunan
Bakit laging hain ng pamahalaan
Sa gutom ay kamatayan?
–
–3:04 n.h.
1 Abril 2016
Lungsod Quezon
–
2. Kidapawan sa aking gunita
–
Anong halaga sa akin nitong pagsilim
Paano makakatulog, paano mahihimbing?
Ngayong panahong sakdal dilim
Ako’y tila binabangungot ng gising.
–
–1:16 n.u
3 Abril 2016
Lungsod Quezon
–
3. Sako
–
“Wala pay sulod akong sako, ‘Nay.”—Yenyen, apat na taong gulang, Kidapawan
–
Mahalaga ang sako sa magbubukid
Telang tikling namin itong ibinabalikat
Buntis na putong ng aming ulong pawisan
Buhay sa hinabing hibla nito ang isinisilid.
–
Itong sako’y maaring lamnin
Milyon-milyong butil ng palay
Daang libong butil ng mais
Daan-daang talong o iba pang gulay
Dose-dosenang kamote
O kaya’y isang malaking bunga ng langka.
–
Sa oras ng pahinga’y aming duyan
Sa pagpapastol ng kalabaw ay aming sapin
Sa oras ng pagtulog ay banig
Sa oras ng unos ay aming bubong
Sa kasalatan ay aming damit.
–
Ang busog na sako’y tanda ng pag-asa
Ang walang-lamang sako ay dalita
At sa lipunang hangad naming lumaya
Sa pakikibaka ay aming bandila.
–
–1:30 n.h.
11 Abril 2016
Lungsod Quezon
–
4. Ang pahimakas ni Ebao Sulang
–
Alam nila, alam nila
Sinong hindi nakakaalam na tigang ang aming bukirin
Hindi ba’t bahay-gagamba na ang mga bitak ng lupa?
Pagmasdan mo ang maisan, nagkulay-kalawang bago pa mag-alay
Walang pinatawad ang tag-tuyot, walang dasal na dininig.
Isinuot ko ang pusyaw-pula kong sumbrero at inaya ang aking anak
Dumulog sa kinauukulan, nagbabakasakali ng habag
Uusal ng panalangin sa namamanginoong mortal
At baka naman siya, sila, ay makinig.
Dahil alam nila; alam nila dapat.
Bigas ang aming hiling.
Tiyak akong kami’y didinggin at kami’y uunawain.
Sino ba sa atin ang walang bitukang kailangang malamnan kahit paminsan?
Sila, kami, tayo ay mga likhang may tiyan
Magkaiba nga lang: ang ami’y impis, ang kanila’y busog.
Hinapagan kami ng batuta’t bala.
Pagdaka’y hinanap ko ang aking anak.
Walang nakakaalam kung saan naroon. Wala, wala.
Nang matagpua’y ang tanging karamay ay ang aking pusyaw-pulang sumbrero
Lamukos sa aking kamao.
Umuwi akong may pasang mabigat
Ang aking anak ngayon na’y bangkay.
Pagmasdan mo ang kanyang lamay na napapalamutian
Ng kartolinang bulaklak.
Ang kabaong naming mahihirap ay tanging iyan ang gayak.
Sa iyong nakikiramay ako’y may hiling
Sa namamanginoon ay pakiparating
Dapat nilang malaman; malaman nila dapat
Sila ang dahilan nitong lagablab.
-7:09 n.g.
11 Abril 2016
Lungsod Quezon
Raymund B. Villanueva