PEACE TALKS UPDATE: Sino si Kumander Parago?
PARANGAL KAY KASAMANG LEONCIO PITAO (KUMANDER PARAGO)
Ni Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman, Communist Party of the Philippines
Chief Political Consultant, National Democratic Front of the Philippines
June 29, 2015
Kasama ako ng sambayanang Pilipino, rebolusyonaryong gobyerno ng bayan, Partido Komunista ng PIlipinas (Communist Party of the Philippines-CPP), Bagong Hukbong Bayan (New People’s Army-NPA), at Pambansang Nagkakaisang Prente ng Pilipinas (National Democratic Front of the Philippines-NDFP) mga rebolusyonaryong organisasyong masa at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa pagdadalamhati sa pagkamatay ni Kasamang Leoncio Pitao (Kumander Parago) at sa pagbubunyi sa mga tagumpay na nakamit niya mula nang sumapi siya sa NPA noong 1978 hanggang sa kanyang pagkamartir nitong Hunyo 28, 2015.
Marapat at angkop lamang na idulot nating lahat sa kanya ang Pulang saludo at pinakamataas na paggalang at karangalan sa kanyang paglilingkod sa sambayanang Pilipino at pandaigdigang proletaryado. Siya ay dakilang makabayan, katangitanging Komunistang mandirigma at rebolusyonaryong kumander. Makabuluhan ang kanyang mga ambag at ang kataas-taasang pagpapakasakit alang-alang sa demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino tungo sa kalayaang pambansa at panlipunan laban sa dayuhang monopolyo kapitalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.
Tapat si Kasamang Leoncio Pitao (Ka Parago) sa teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at matagumpay niya itong ipinatupad kasama ang iba pang mga kasama at masa sa Rehiyon ng Katimugang Mindanao (Southern Mindanao Region). Namukod-tangi siyang kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Itinaguyod niya ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at isinulong niya ang pagpapalawak ng Partido, hukbong bayan at nagkakaisang prente.
Sa pagsusulong ng digmang bayan, kanyang pinagsanib ang rebolusyonaryong pakikibaka sa reporma sa lupa at pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ng mga organisasyong masa. Inilapat niya ang linya ng masaklaw at masikhay ng digmang gerilya batay sa lumalawak at lumalalim na baseng masa. Pinaunlad niya ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mamamayang anakpawis, sa mamamayang indigena at sa mga alyado.
Taglay niya ang kadalubhasaan ng estratehiya at taktika ng digmang gerilya, angkop na gumagamit ng konsentrasyon, pagpakakalat at paglipat-lipat batay sa pangagailangan sa agos ng digmang makilos. Nakilala siya sa labas at loob ng bansa dahil sa kanyang mga rebolusyonaryong tagumpay bilang kumander ng First Pulang Bagani Company sa Southern Mindanao Region.
Dahil sa wastong linyang pampulitika at sa kanyang mabisang taktikal na pamumuno, ang magiting at marangal na kumpanyang ito ay umunlad tungo sa pagiging unang Pulang Bagani Battalion. Batay sa Southern Mindanao Command, si Ka Parago ang nagplano at namuno sa di-mabilang na operasyon ng pagdisarma noong 1980s at 1990s, pagkakaaresto kay General Obillo at Capt. Montealto noong 1999, reyd sa Davao Penal Colony at maraming iba pang taktikal na opensiba.
Dinakip si Ka Parago noong Nobyembre 1999 at ipiniit na mag-isa sa punong himpilan ng ISAFP sa Camp Aguinaldo. Inalok siya ng kaaway ng malaking halagang suhol para lisanin at itakwil ang rebolusyonaryong kilusan. Ngunit kagyat niya itong tinanggihan at itinaguyod ang kanyang katapatan at pangako sa sambayanang Pilipino at sa rebolusyon.
Kinausap ng mga abugado ng Public Interest Law Center at ng Departmento ng Hustisya ang hukuman na palayain si Ka Parago bilang pagpapakita ng Pamahalaan ng Republikang Pilipinas ng katapatang-loob para sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-NDFP. Sa panahong ito, nakadalaw kay Ka Parago ang tagapangulo ng NDFP Negotiating Panel na si Luis Jalandoni at isa pang myembro nito na si Coni Ledesma at nakapagdaos sila ng press conference na kasama siya. Si Ka Parago ay pinalaya mula sa bilangguan noong 2001.
Pagkalaya niya, nagdesisyon si Ka Parago na muling sumama sa mga kasama sa kanayunan. At mula noon patuloy siyang nag-alay ng namumukod-tanging paglilingkod sa rebolusyonaryong mithiin ng sambayanang Pilipino laluna sa larangang digma. Labis ang pagkamuhi sa kanya ng kaaway kung kaya dinukot, tinortyur, ginahasa at pinatay ng mga ahenteng militar ang kanyang 22 edad na anak na si Rebelyn, isang guro at itinapon ang kanyang bangkay sa isang kanal sa Panabo City noong 2009. Ang barbaridad na ito ay nagdulot ng matinding galit sa hanay ng mga mamamayan at mga organisasyo ng karapatang-tao sa Pilipinas, gayundin sa ibang mga bansa.
Sa kabila ng pagkadukot, tortyur, paggahasa at pagpaslang sa kanyang anak, nagpatuloy siya bilang maprinsipyong rebolusyonaryo na gumagalang sa patakarang ng CPP at NPA sa maayos na pagtrato sa mga bihag ng digma gayundin sa International Humanitarian Law kaugnay ng paggalang sa karapatang-tao ng mga naturang bihag. Taglay ang karunungan pampulitika naglabas siya ng pahayag na tumiyak sa pamilya ng mga upisyales at tauhan ng kaaway na walang magaganap na paghihiganti sa kanila. Bilang katarungan sa ilalim ng gubyerno ng bayan, hiningi niya ang parusa para lamang sa mga tukoy na dumukot at pumatay sa kanyang anak.
Napakamatagumpay ang mga taktikal na opensibang pinamunuan ni Ka Parago kaya madalas mangyari na may mga sundalong nabibihag. Siya at ang mga Pulang mandirigma sa ilalim ng kanyang kumand ay gumagamit lamang ng kailangang pwersa upang kamtin ang tagumpay. Ngunit sila ay mapagbigay at mabait sa mga upisyales at tauhan ng kaaway na sumuko o nakaligtas sa labanan. Iginagalang nila ang mga bangkay ng mga napatay. Ang mga sugatan ay ginagamot ng mga medics ng NPA. Ang mga bihag ay tumatanggap ng parehong pagkain ng mga mandirigma ng NPA. Sila ay pinalalaya sa pinakamaagang panahon bastat sila ay walang seryosong pagkakasalang kriminal.
Matagal-tagal na ring maysakit na diabetes, hyperthyroidism, hepatitis at altapresyon si Ka Parago. Nasa pangangalagang medikal nang siya ay pinatay. Pinayuhan siya ng mga kasama na magpagamot sa labas ng kanyang erya ng kumand ngunit nagpumilit siyang manatiling malapit sa masa. Napatunayan ng imbestigasyong ginawa ng rebolusyonaryong awtoridad na nireyd ng kaaway noong June 28, 2015, 2:30 ng hapon ang Purok 9 ng barangay Pañalum sa distrito ng Paquibato sa Lunsod ng Davao kung saan nasa pangangalagang medikal si Ka Parago, at walang nangyaring sagupaan sa pagitan ng mga yunit ng NPA at ng kaaway.
Agad pinaulanan ng awtomatikong bala ng kaaway si Ka Parago nang siya ay mamataan. Ang kanyang di-armadong tagapangalagang medikal na si Ka Kyle o Vanessa Limpag ay nakapagtaas ng kanyang mga kamay at nakasigaw na siya ay isang medik. Ngunit hinabas pa rin siya ng mga paputok ng kaaway. Tinanggal na ng kaaway ang litrato at video na una nitong inilabas na nagpapakitang si Ka Parago ay nakadamit pambahay at nakayapak, may dalawang ripleng armalite na halatang inilapat sa tabi ng kanyang katawan at sa katawan ni Ka Vanessa para lamang retratuhan.
Ang kaaway sa propaganda nito ay ipinagyayabang ang brutal na pagpaslang nito kay Ka Parago at kanyang medik. Ipinagyayabang nito na ang rebolusyonaryong kilusan ay papalubog na. Bulag sa katotohanan na bago nila patayin si Ka Parago, nagawa na niyang turuan at sanayin ang maraming kahaliling rebolusyonaryo sa loob ng 37 taon ng rebolusyonaryong pakikibaka. Nitong nakaraang mga taon, buwan at araw, tumanggap ng nakamamatay na dagok mula sa NPA sa Southern Mindanao Region ang reaksyunaryong armadong pwersa at mga di katanggap–tanggap na dayuhang monopolyong empresa.
Patuloy si Ka Parago na nabubuhay at lumalaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng kanyang mga tagapagpatuloy sa loob ng CPP, NPA at kilusang masa. Sa kanyang pagkamartir, ang mga humalili sa kanya ay lalong humahango sa kanya ng inspirasyon at higit na determinadong makibaka para sa isang bago at mas maayos na mundo.
Ang reaksyunaryong armadong pwersa ay nagkonsentra ng mahigit sa 50 porsyento ng kanilang lakas sa Silangang Mindanao sa bigong pag-asang gapiin ang NPA sa erya noon pa man. Ngunit sa loob ng erya, ang NPA ay mayroong sapat na lugar upang magniobra. Ginagamit din ng pwersa ng NPA ang bentahe ng bawas na lakas ng reaksyunaryong armadong pwersa sa ibang bahagi sa Mindanao at sa Visayas at Luzon upang maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Ang mga ito ay hindi ganap na nailalathala ng burges na masmidya.
Walang paraan ang mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo na pigilin ang paglaki ng CPP, NPA, mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika dahil ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at naghaharing sistema sa bansa ng mga kumprador at panginoong maylupa ay higit pang lumalala, at ang malawak na masa ng mamamayan ay muhing-muhi sa di-matiis na mga kundisyon ng pang-aapi at pagsasamantala at minimithi nila ang rebolusyonaryong pagbabago.
Mabuhay ang alaala ni Kasamang Leoncio Pitao!
Isulong ang rebolusyonaryong adhikain na kanyang ipinaglaban at pinag-alayan ng buhay!
Mabuhay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa Mindanao, Visayas at Luzon!
Isulong ang rebolusyong Pilipino! Mabuhay ang mamamayang Pilipino!