Kinondena ng mga mag-aaral at guro ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagpapasara ng ABS-CBN sa isang kilos protesta sa harapan ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon sa Diliman, Lungsod Quezon noong Biyernes, Mayo 8.
Ayon sa mga nagprotesta, hindi ang media kundi si President Rodrigo Duterte ang dapat na patigilin sa pag-atake sa malayang pamamahayag at malayang ekspresyon.
Ang pagkilos ay kasabay ng iba’t-bang kilos protesta sa buong bansa na tinaguriang “Black Friday Protests” na pinapangunanan ng mga organisasyon tulad ng Bagong Alyansang Makabayan, Movement Against Tyranny, Altermidya, Concerned Artists of the Philippines, National Union of Journalists of the Philippines at iba pa.
Tumigil ang brodkas ng ABS-CBN noong Martes, Mayo 5, sa libreng telebisyon matapos pagbawalan ito ng National Telecommunications Commission dahil napaso na ang prangkisa ng network noong Lunes. Maraming beses na pinagbantaan ni Duterte na ipapasara niya ang network. Inupuan sa Kongreso ng mga kaalyado ng presidente ang maraming panukalang batas sa bagong prangkisa ng pinakamalaking media network sa Pilipinas. (Bidyo ni Jek Alcaraz/Kodao)