Isang press conference noong Oktubre 8 ang isinagawa nang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP at mga kaanib na organisasyon nito upang i-anunsyo ang kanilang pagkilos na tinaguriang “October Resistance against poverty, hunger and state fascism.”
Bilang bahagi ng buwan ng mga magsasaka ngayong Oktubre, iba’t-ibang aktibidad ang kanilang isasagawa bitbit ang panawagang tunay na reporma sa lupa, libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pagkontrol sa mga presyo ng bigas at iba pang bilhin gayundin ang pagtigil sa militarisasyon at paglabag sa karapatang tao sa kanayunan.
Ayon naman sa Amihan (Pambansang Pederasyon ng mga Kababaihang Magsasaka), lumalala ang kalagayan ng mga magsasaka at kababaihang magbubukid. Imbes na ibigay sa mga magsasaka ang lupain, inilaan pa ito sa ekspansyon ng mga plantasyon, malawakang pagmimina at land use conversion ang iba sa mga malaking kumpanya at panginoong maylupa.
Giit pa ng Amihan, walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagpapaunlad ng agrikultura at pamimigay ng lupa sa mga magsasaka.
Mariin naman nilang binatikos ang pakanang ‘Red October’ ng gubyernong Duterte at Armed Forces of the Philippines at sinabing layunin lamang nito na takutin at pahupain ang tumitinding galit ng sambayanan dahil sa walang-awat na taas presyo ng mga bilihin at serbisyo dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law.
Binigyan nila ng halimbawa ang patuloy na pampulitikang panunupil at “red tagging” sa mga organisasyon at aktibista.
Patuloy din ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga lider magsasaka kabilang na ang tagapangulo ng KMP sa Northern Mindanao na si Ereneo Ubarde at 33 iba pang lider sa rehiyon, gayundin ang pag-aresto kay Gerry Basahon, lider ng Misamis Oriental Farmers Association na kaanib ng KMP noong Oktubre 4, ani ng mga grupo.
Kinundena din nila ang pinakahuling kaso nang pamamaslang noong Oktubre 6 sa tagapangulo ng PAMALAKAYA sa Negros Oriental na si Jaime Delos Santos.
Dagdag pa ng KMP, kapag patuloy na tumindi ang atake nang rehimen tiyak na tatapatan ito ng paglaban nang taumbayan. Nakatakda ang kanilang malakihang pagkilos ng mga magsasaka sa Oktubre 19 sa ibat-ibang panig ng bansa. # (Bidyo at ulat ni Joseph Cuevas/Larawan ni Jinky Mendoza-Aguilar)