Mga manggagawa, nagmartsa sa Araw ng mga Bayani
Nagsama-sama ang libu-libong manggagawa sa Araw ng mga Bayani sa tinaguriang nilang “Martsa ng Manggagawa” noong Agosto 27 mula Welcome Rotonda hanggang sa Mendiola sa Maynila.
Panawagan nila na itigil na ang kontraktwalisasyon sa paggawa, ipatupad ang pambansang minimum na sahod na P750, at wakasan ang iba pang porma ng pagsasamantala sa manggagawa.
Ayon sa Kilos na Manggagawa (KnM), sa nakalipas na dalawang taon, umabot na sa 40 milyon na manggagawa sa buong bansa ay kontraktwal.
Karamihan sa mga ito ay nasa sektor ng manupaktura at serbisyo na tumatanggap din nang napakababang sahod o mas mababa pa sa minimum na sahod.
Isang halimbawa dito ay sa Southern Tagalog na umabot sa mahigit 20,000 ang kontraktwal.
Dagdag pasakit din sa mga manggagawa ang mga patakaran na ipinataw nang gubyernong Rodrigo Duterte tulad ng Department Order 174 at Executive Order 51 na sa katunayan ay nagpapatindi lamang ng iskemang endo.
Dagdag pa nang KnM, malaking dagok din ang TRAIN law na siyang bumubutas sa bulsa at kita ng mga manggagawa.
Habang binabarat ang sahod, patuloy naman na pinahihirapan ang mamamayan sa mga dagdag bayarin at buwis.
Binigyang-pugay din nila ang mga manggagawa na siyang tunay na bayani at tagalikha ng yaman.
Malaking hamon naman sa mga manggagawa na labanan ang tumitinding atake sa mga manggagawa kagaya nang pambubuwag sa mga unyon, pagpaslang at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga lider unyonista. # (Ulat at bidyo ni Joseph Cuevas)