Mga abugado humingi ng proteksyon sa Korte Suprema
Nagtungo sa Korte Suprema sa Maynila ang grupong National Union of Peoples’ Lawyers o NUPL noong Abril 15 para maghain ng petisyon para sa Writ of Amparo at Writ of Habeas Data laban sa pananakot at harassment ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sinamahan sila ng kanilang mga abugado mula sa Public Interest Law Center.
Ayon kay Atty. Edre Olalia, pangulo ng NUPL, layunin ng petisyon na mabigyan sila ng proteksyon ng Kataas-taasang Hukuman laban sa mga banta at red-tagging sa kanilang mga kasapi.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Pangulong Rodrigo Duterte, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Civil Military Operations Chief General Antonio Parlade Jr.
Isa si Parlade na inakusahan ang NUPL na supporter ng Communist Party of the Philippines at New Peoples Army subalit mariing pinabulaan ng grupo at sinabing walang basehan ang mga paratang nito.
Nababahala ang NUPL sa ganitong pananakot. Ayon sa kanila, simula nang manungkulan si Pangulong Duterte ay 36 abugado na ang napapatay.
Pinakahuli dito ay si Atty. Benjamin Ramos na upisyal ng NUPL sa Negros na pinaslang noong Nobyembre 2018 sa Kabankalan City. (Bidyo ni Joseph Cuevas/ Kodao)