Ni: Christopher Mendoza Jr.
Mariing kinukondena ng progresibong Makabayan bloc ang ipinatutupad na 20% tax interest income sa mga deposito sa bangko.
Ayon sa kanila, ito ay isang mapang-abusong patakaran na nagpapahirap sa ordinaryong mamamayan habang patuloy na nakakalusot sa pagbubuwis ang mga pinakamayayaman sa bansa.
Muling isinusulong ng grupo ang panukalang Super-Rich Tax Bill na magpapataw ng hanggang 3% buwis sa mga bilyonaryo bilang mas makatarungan at makataong alternatibo sa panibagong pagbubuwis ng gubyernong Ferdinand Marcos Jr.
Simula Hulyo 1, sinimulang ipatupad sa mga bangko ang 20% final withholding tax (FWT) sa lahat ng interes na kinikita mula sa savings, time deposit, at foreign currency deposit accounts.
Ang patakarang ito ay bahagi ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA) na ani ng batas ay upang gawing pare-pareho ang pagbubuwis sa mga instrumentong pinansyal.
Ngunit ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, malinaw na ang bagong buwis ay sumasagasa sa mga maliliit na depositor na umaasa sa kaunting interes ng kanilang ipon.
“Isa itong mapagsamantalang hakbang na direktang pinupuntirya ang mga manggagawa, guro, estudyante, maliliit na negosyante, at iba pang ordinaryong Pilipino na nag-iimpok mula sa kanilang kakarampot na kita,” ayon kay Tinio.
“Hindi ito makatarungan. Pinaparusahan ang mga tao sa kanilang disiplina sa pag-iipon, habang pinoprotektahan ang yaman ng mayayaman,” dagdag ng kinatawan ng mga guro.
Nilinaw naman ng Department of Finance (DOF) na ang ipinapataw na buwis ay tanging sa interes lang ng ipon at hindi kasama ang mismong halagang naka-deposito. Dagdag ng ahensiya, mali ang kumalat sa online na pinapatawan na rin ng buwis ang buong savings ng depositor.
Gayunman, para sa mga progresibong grupo, kahit pa interes lamang ang buwis, malinaw na ito ay dagdag pasanin sa mga mamamayan na matagal nang salat sa suporta mula sa gubyerno.
Sa gitna ng pagpapatupad ng bagong buwis, inanunsyo ni Tinio na muling ihahain ng Makabayan bloc ang panukalang Super-Rich Tax Bill na layong patawan ng 3% buwis ang mga bilyonaryo.
“Kung naghahanap ng pondo ang gobyerno, bakit hindi sa may kakayahan magbayad? Bakit hindi buwisan ang mga bilyonaryo na taon-taon ay lalong yumayaman?” tanong ni Tinio.
“Hindi ang kaunting interes sa ipon ng maralita ang sagot sa kakulangan sa pondo ng gobyerno,” dagdag niya.
Ang panukala ng Makabayan ay nakatuon sa iilang sobrang yaman na may higit sa ₱1 bilyon na halaga ng pera o ari-arian. Ayon sa mga tagasuporta nito, maaaring makalikom ang pamahalaan ng daan-daang bilyong piso kada taon kung maisasabatas ito na maaaring ilaan sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan at pabahay.
Sa Facebook post ng ACT Teachers, sinabi nitong ang ipon ng mga mamamayan ay hindi dapat ituring na kita kundi bunga ng sakripisyo at pag-iingat sa gitna ng krisis.
“Bakit sa interes ng mahihirap galing ang buwis, samantalang ang napakalaking yaman ng iilan ay hindi man lang kinakalabit ng buwis?” tanong ni Tinio.
Nakatakdang ihain ng Makabayan bloc ang Super-Rich Tax Bill sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa darating na Lunes, Hulyo 28. Kasabay nito, nanawagan sila ng inspeksyon at pagdinig sa epekto ng 20% tax sa interes, lalo na sa maliliit na depositor. #







