Kumusta na si Lordei Hina?
Kumusta na si Lordei Hina?
Pitong taon na ang nakakalipas, hindi pa rin natatamasa ni Lordei Hina at ng kanyang pamilya ang katarungan mula sa malagim na krimeng naranasan niya sa loob ng kampus ng Unibersidad ng Pilipinas.
Si Lordei Hina ay isang estudyante ng Unbersidad ng Pilipinas, isang graduating student sa ilalim ng kursong BS Community Development. Naging Secretary-General si Lordei ng Center for Nationalist Studies (CNS) at aktibong miyembro ng Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND-UP).
Pebrero 1, 2012 habang naghihintay si Lordei sa loob ng opisina ng University Student Council sa Vinzons Hall para sa isang miting ay bigla siyang nilooban ng dalawang lalaking nagpanggap na mga tattoo artist na lalahok sa gaganapin na UP Fair.
Kuwento ng kanyang mga kaibigan, lumaban si Lordei upang iligtas ang sarili. Sa kasamaang palad, nasaksak siya ng ilang beses ng ice pick sa ulo. Ninakaw ng mga salarin ang ilang mga laptop at cellphone na nasa opisina at tumabko. Natagpuang duguan si Lordei ng kanyang kaibigan at agad siyang dinala sa ospital.
Nahuli ang isa sa dalawang suspek at sinampahan ng kasong frustrated homicide. Kalaunan ay nagpiyansa rin at pansamantalang nakalaya. Ang isa naman ay nakapagtago. Pitong taon na ang nakakalipas, hindi parin natatapos ang paglilitis sa Regional Trial Court, Branch 91, Quezon City.
Malaki na ang pinagbago ng kalusugan ni Lordei. Noong una ay hindi niya naigagalaw ang kanyang kanang kamay, nahihirapang tumayo, pakainin ang sarili at hirap makaalala. Kuwento ng kanyang inang si Connie Hina, sa kasalukuyan, kaya na umano ni Lordei na kumain magisa. Minsan ay naglalakad-lakad pa nga raw sa labas ng bahay kasama ang kanyang kapatid. Malaki na rin ang pinagbago ng kanyang memorya.
Kahanga-hanga ang tapang na ipinakita Nanay Connie habang hinaharap ang masalimuot at masakit na pangyayari. “Huwag mawalan ng pag-asa…Bumangon agad at hindi iyong tuluyang malugmok…” Ito ang matapang na salita ng isang ina na handang ipagtanggol ang kanyang anak. Bagamat positibo ang pananaw ni Nanay Connie sa lagay ni Lordei, mararamdaman sa kanyang boses ang galit sa mga kriminal na nagdulot ng pagpapahirap sa kanyang anak at pamilya at lalo’t higit sa mabagal na sistema ng hustisya.
Nitong Setyembre 7, 2018 ay nakansela ang pagdinig ng kaso ni Lordei dahil hindi dumalo ang abugado ng mga akusado mula sa Public Attorney’s Office. Maghihintay muli ang pamliya hanggang sa Nobyembre 7, 2018 para sa pagpapatuloy ng pagdinig.
Umaasa sina Nanay Connie na sa taong ito ay magkakaroon na ng linaw ang kaso ni Lordei sa Korte at makamit na ang hustisyang matagal ng inaasam. (Video ni Maricon Montajes/Kodao)