Itanong Mo Kay Prof: Hinggil sa mga isyu ng ATL, IRR nito, at red-tagging

Panayam kay Prof. Jose Maria Sison ng Kodao Productions, sa pamamagitan ni Prof. Sarah Raymundo, hinggil sa mga isyu ng ATL, IRR nito, at red-tagging.

ITANONG MO KAY PROF
October 30, 2020

SR: Isang mainit na pagbati sa ating mga tagapakinig dito sa Itanong Mo kay Prof! Matunog ang Anti-Terror Act mula pa sa anyong bill nito mula sa  Senado hanggang ratsadahin sa Kongreso. Malapad at masidhi ang pagtutol dito ng mamamayang Pilipino pero walang bisa ito para kay Duterte. Nang maisabatas, maraming mga grupo ang nag-file ng reklamo dahil sa paglabag umano ng ATA sa konstitusyon mismo. Ngayong naisabatas na ang ATA, lalo pang tumindi ang red-tagging. Hindi pinalampas ni Parlade, maging ang mga kilalang artista na malayang nagpapahayag ng kanilang mga saloobin hinggil sa kawalan ng katahimikan, katuwiran at hustisya sa ating bansa. Ngayong mayroon nang sinasalang na Implementing Rules and Regulations o IRR ang ATL, pag-usapan natin kung ano ba ang konkgretong implikasyon at epekto nito sa mamamayang Pilpino? Para saan at para kanino nga ba ang Anti- Terror Law? Kasama natin ngayon ang Chair Emeritus ng International League of Peoples’ Struggle walang iba kundi si Prof Joma Sison.  Magandang araw, Prof Sison!

JMS: Maalab na makabayang pagbati sa inyo Prof. Raymundo at sa lahat ng ating tagapakinig.

Mga Tanong:


1. Bilang panimula Prof Sison, ano po ang ibig sabihin ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng Anti-Terror Act o ATA?

JMS: Inilabas ito ng Anti-Terrorism Council para sa implementasyon ng Anti-Terrorism Act.  Pagsasadetalye at tulong diumano sa pagpapatupad  sa mga gagawin ng mga militar, pulis at mga tinaguriang “law enforcement agencies” sa arbitrayong paglilista at red tagging sa mga organisasyon at mga taong tawaging terorista dahil pinupuna at binabatikos nila ang mga patakaran at aksyon ng rehimeng Duterte na may katangiang tirano, traydor, berdugo at mandarambong. 

Primero magred-tagging at sisiraan nila  ang pangalan at dangal ng mga salungat sa rehimen ni Duterte.  Sususunod ang pagdukot o pag-aresto na walang judicial warrant at pag-agaw ng bank account at ibang ari-arian. Aabot sa 24 na araw ang pwedeng pagkakulong ang hinuli at may sapat na panahon na itortyur at paslangin ang inaresto at mag-imbento o di kaya ay sirain ang lahat ng ebidensiya ng pag-aresto.

Nagbatay ang IRR sa labis na malawak at malabong depinisyon ng terminong terorismo sa ATA at mga probisyon na labag sa 1987 Konstitusyon ng GRP.  Nagdagdag pa ang IRR ng mga mas masamang probisyon na wala sa ATA na inaprubahan ng bulok na Kongreso. Nang-agaw ang ehekutibo ng mga kapangyarihang hudisyal at lehislatibo.

Pinalawak halimbawa ang lisensiya ng ATC na magpasyang terorismong paggamit ng mga demokratikong karapatan at kalayaan na mag-isip nang malaya, magpahayag, magtipon, mag-aklas at magprotesta. Pwedeng arbitrayong magpasya ang ATC na terorismo ang paggamit ng mga karapatang sibil at pampulitika na nakasaad sa Konstitusyon.

Lalong pinarami ang dahilang mang-aresto nang arbitrayo o walang batayan. Dinagdagan pa ang mga uri ng malayang ekspresyon tulad ng “creative, artistic o cultural” na pwedeng masaklaw. Lalo ring pinahigpit ang matagal at abusadong pagkulong sa mga inaresto.

2. Marami pong tumututol dito, ano po ba ang epekto nito sa mamamayan Prof Sison kung gagamitin na ang IRR ng Anti-Terror Act?

JMS:  Maraming tumututol sa ATA at IRR nito dahil sa labag ang mga ito sa mga civil at political rights ng mga mamamayan na nakasaad sa Konstitusyon. Batay lamang sa suspicion o malisya ng mga nasa rehimeng Duterte, pwede ka nang i-red-tag at siraan ng pangalan. Pagkatapos arestuhin ka at agawan ka ng bank account at ari-arian nang walang judicial warrant. Sa maraming kaso, papatayin ng mga nasa kapanyarihan ang inaaresto dahil sa pagtakpan nila ang mga krimen nila sa pagtortyur, pangingikil at pag-agaw ng mga bank account at ari-arian.

Pwede kang itago at ikulong hanggang 24 na araw.  Sa mahabang panahong ito, pwede kang itortyur, paslangin, katayin at sirain ang ebidensya ng kriminalidad ng mga nasa kapangyarihan tulad sa Oplan Tokhang. Wala kang access sa pamilya mo at abogado.  Inalisan ng husgado ng karapatan na makialam sa pagtortyur at pagpatay sa iyo ng mga berdugo.

Ilalantad ang pangalan mo sa mga pahayagan kahit walang sapat at mabisang pagkakataon na kwestiyunin ito. Pinahihintulutan ang pagkakulong ng walang asunto sa korte labas sa nakatakda sa umiiral na batas sa pamamagitan ng simpleng aplikasyon lamang sa ATC. Pinahaba ang panahon na dapat magbigay ng abiso sa korte kapag ikaw ay nahuli. Binabaan ang pamantayang legal sa pag-aresto. Pinalawig ang saklaw ng “material support” at ibinihag ang sino lamang ang pwedeng magsagawa ng humanitarian activities sa discretion ng ATC.

Napag-alaman na ng sambayanang Pilipino kung paano ginamit ni Duterte at mga pulis at ang bogus war on drugs para magpayaman sa drug trade at pumaslang ng higit sa 30,000 na biktimang mahihirap.

Dahil sa ATA at IRR nito, ganap na pasismo ang iiral. Mas masahol pa ito sa diktadura ni Marcos. Pwedeng patayin ng militar ang lahat ng pumupuna kay Duterte. Ginawang ganap na inutil ang mga husgado. At walang magagawa ang mga pamilya na maghabol  habang pinahihirapan at kinakatay na ang inaresto. Pati pamilya at abogado nito pwedeng paratangan na sangkot din sa terorismo. Guilt by association ang iiral at wala nang due process na batay sa ebidensiya.

3. Ano ang inyong pagtingin Prof Sison na ayon sa IRR ay may kapangyarihan ang
Anti-Terror Act na isapubliko ang mga pangalan ng mga hinihinala nilang mga terorista na indibidwal o grupo? Kahit hindi pa napapatunayan ng estado kung talaga bang mga terorista o diumano’y may kaugnayan sa terorismo, bibigyan daw ng 15 araw para sila ay maghabol at alisin ang kanilang pangalan sa listahan.

JMS:  Napakasama na sa ilalim ng ATA at IRR, pwede kang ilista na terrorist at gagawin kang target ng paninira at conviction by publicity.  Sisiraan ang dangal mo ng military psywar at DDS troll army.  Gagamitin nila ang corporate mass media at social media. Pagkatapos tulad sa Oplan Tokhang, target ka ng pagdukot, pagsamsam ng ari-arian at pagpaslang ng mga death squad na militar, pulis o paramilitar.

Sandali lang magagawang impyermo ng rehimeng Duterte ang buong Pilipinas.  Palulubhain ni Duterte ang krisis sa ekonomiya dahil sa labis-labis na pandarambong niya at pagpapakain ng pera ng bayan sa mga brutal at matatakaw na heneral. Gagamitin niya nang walang humpay ang militar, pulis at paramilitar para patayin ang mga salungat sa kanya.

Sa ganitong kalagayan, tiyak na babalikwas ang masang Pilpino at ibagsak nila ang pasistang rehimen ni Duterte, tulad ng ginawa nila sa pasistang rehimen ni Marcos. Ngayon pa lang kumikilos na ang malawak na masa sa kalunsuran at kanayunan para labanan ang rehimeng Duterte na sukdulan ang pagiging tirano, taksil, berdugo at mandarambong.

4. Ang Anti-Terror Act ay bahagi ng programa ng National Task Force to End Local
Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at pinangungunahan ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. Ano po ang inyong masasabi sa NTF-ELCAC, Prof Sison?

JMS:  Si Duterte mismo ang pinuno ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang Anti-Terrorism Council na likha ng ATA. Si General Parlade ay national spokesman. Bungangero, butangero at berdugo tulad ng amo niyang si Duterte.

Naunang binuo ni Duterte ang NTF-ELCAC para todasin daw ang armadong rebolusyon ng sambayanang Pilipino sa lahat at sa anumang klase ng panlilinlang at pandarahas. Laging palpak ang gawa nitong NTF-ELCAC.  Lalong lumakas ang kilusang rebolusyonaryo. Magaling lang magnakaw at matulog ang sakiting commander-in-chief.  Magaling lang din kumain ng pera ng bayan ang kaniyang mga heneral. Sabi ni Duterte na pinakapakain niya ang mga walanghiyang ito.

Ngayon, naisipan nilang magkaroon ng Anti-Terrorism Act na nagbibigay lisensiya sa kanila na manakot sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng malawakang red-tagging, pagkidnap, pagtortyur at pamamaslang. Sinamantala nila ang Covid-19 pandemic para i-railroad ang ATA sa Kongreso at pirmahan ni Duterte.  Ito ngayon ang prinsipal na instrumento niya sa pagpataw ng pasismo sa Pilipinas.                                 

5. Napakabokal po ni Parlade na paratangang mga NPA ang sa tingin niya ay kalaban
ng gubyerno gaya ng Makabayan Block, mga organisasyon ng iba’t ibang sektor at kamakailan ang pag-red-tagged kina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel Locsin at ang kanyang kapatid at si Atty, Neri Colmenares. Ano po ang inyong masasabi kay Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.?

JMS:  Nasabi ko nang bungangero si Parlade. Tulad ng amo niyang Duterte, siya rin ay buwang at berdugo.  Sila ang tunay na terorista na nananakot sa mga mamamayan at sila ang promotor ng mga pagdukot, pag-agaw sa pera at ari-arian, pagtorture at pagpaslang sa napakaraming biktima ng mga oplan hanggang sa kasalukuyang paggamit ng ATA. 

Madaling mag-akusa sina Duterte, Año, Parlade at iba pang opisyal ng NTF-ELCAC at ATC na terorista ang anumang organisasyon o sinumang tao na sa tingin nila ay kaaway ng brutal at bulok na gubyerno nila. Naging target ng paninira at pagbabanta nila ang Makabayan Bloc at mga organisasyon ng iba’t ibang sektor. At tinarget nila kamakailan lamang ang mga celebrity na sina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel Locsin at ang pamilyang Colmenares. 

Ipinakita ni Parlade na kahit sino pwedeng palitawin na terorista ng mga pasista. Ganyan ang imbing katangian ng mga pasista, mga tunay na terorista.  Makakita man sila ng anumang ugnayan, legal o biological, sa mga salungat sa mga krimen na ginagawan nila palilitawin nilang terorista ang ugnayan ng mga salungat sa kanila at pagbabantaan nila agad ng kamatayan.

6. Primero pinuna ni Defense Secretary Lorenzana na maluwag ang dila ni General Parlade sa red-tagging kina Liza Soberano, Catriona Gray, Angel Locsin at pamilyang Colmenares. Pagkatapos, nagdueto sina Lorenzana at Parlade na kayo raw ang unang nagred-tagging sa Gabriela at iba pang legal na organisasyong pambansa-demokratiko. Anong tugon ninyo sa paratang ng dalawa?

JMS:  Sinagot ko na ang dalawa, tinawag ko silang estupido at mapanlinlang.  Tinawag nilang red-tagging ang kabaligtaran ng ginawa kong pagtatangi o pagdifferentiate ko ng forces of the armed revolutionary movement at legal forces ng national democratic movement sa isang talumpati ko sa Brussels, Belgium noong 1988 pa. 

Sinabi ko ring may convergence ang mga pwersang ito, iba pang pwersa ng oposisyon, Simbahang Katolika at Makati Business Club, sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986. Ini-splice sa video yong pagtukoy ko sa legal forces of the national democratic movement para palitawin ng militar na sinabi kong mga “front” ito ng NDFP.

7.  May 37 petitioners po ang tutol at laban sa Anti-Terror Act. Magkakaroon ng oral arguments at dedesisyunan ang iskedyul sa kalagitnaan ng Nobyembre. Sa tingin nyo po ba Prof Sison, maipagwawagi ng mga petitioners ang kanilang laban sa Anti-Terrot Act?

JMS: Makatarungan at alinsunod sa Konstitusyoon na magwagi ang 37 petitioner.  Pero problema na karamihan sa justices ng Supreme Court ay palasunod kay Duterte sa ilang importanteng kaso sa nakaraan.  Hindi ako magugulat kung palulusutin nila ang ATA. Masamang palatandaan na hindi maagap kundi matumal ang pagbibigay daan nila sa mga petition, kahit man lang sa kahilingan sa kagyat na TRO o Status Quo Ante Order.

Dapat mahiya ang mga justices sa sarili nila. Inaagawan na sila ng judicial power ng executive branch. Garapal na linalabag ng ATA ang Konstitusyon. Labag ito sa mga civil and political rights ng mga mamamayan pati na sa mga tungkulin ng judicial branch.  Hindi rin ako magtataka kung itaguyod ng Korte Suprema ang power nitong magpasya laban sa mga unconstitional provisions ng ATA at IRR.


8. Ano po ang inyong mensahe sa mamamayang Pilipino ngayong ang banta ng warrantless arrest at designation sa isalim ng Anti-Terror Act ay nakaumang na po, Prof Sison?

JMS:  Ang sambayanang Pilipino ang soberanong kapangyarihan  sa Pilipinas. Tungkulin nila sa sarili na manindigan laban sa paglabag sa kanilang mga civil at political rights.

Kanilang soberanong karapatan at nasa kanilang kapangyarihan at kapakanan na labanan ang mga nasa  reaksyonaryong gobyerno na nang-aapi at nagsasamantala sa kanila at gusto pang magpataw sa kanila ng garapal na pasiso o terorismo ng estado.

Umaasa ako na sa lalong madaling panahon magpakita ng makabayang giting at lakas ang masang Pilipino para labanan at tapusin ang mga garapal na krimen ng rehimeng Duterte sa pagiging tiranikal, pagtataksil, maramihang pamamaslang at pagdarambong.

JMS: Maraming salamat kay Prof. Raymundo at sa lahat ng tagapakinig.  Umaasa ako sa patuloy na interes ninyo sa programang ito.  Alamin ang mga mahalagang isyu sa ating bayan at laging handang lumahok sa pagkilos ng masang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.  Abangan ang sususnod na panayam. Mabuhay kayo! Mabuhay tayong lahat!

SR: Maraming salamat, Prof. Joma para sa inyong pagtalakay ng ATL bilang isang batas ng estadong mapaniil ng laya ng bayan at kumakaharap sa isang matinding ekonomikong krisis. Tunay na sa panahon ng matinding krisis, may dalawang posibleng kahinatnan ito, ang paglala ng panunupil habang papatindi ang krisis o ang pagbabalikwas ng mamamayang Pilpino laban sa terorismo ng estado. Sa aking palagay ay marami na sa inyo ang naghahangad na makapagtipon ng sapat na lakas sa lahat ng anyo nito upang tapusin ang tiranya sa bansa. Ito po si Sarah Raymundo, guro sa Unibersidad ng Pilipinas at kasama niyo mula sa Bagong Alyansang Makabayan. Mabuhay ang sambayanang nakikibaka!