Inhustisya ng gubyerno, binatikos ng mga aktibista

Isang kilos-protesta ang isinagawa ng mga grupo ng kabataan at iba pang organisasyon noong Setyembre 10, 2019 laban sa kawalang hustisya sa ilalim ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte. Idinaos ito sa harapan ng Department of Justice kasabay ng Preliminary Investigation laban kina Atty. Neri Colmenares at iba pang lider kabataan na sinampahan ng kaso.

Panawagan nila na ibasura ang kaso laban kina Colmenares sa paniniwalang isa itong panggipit laban sa mga kabataan at progresibong lider.

Binatikos naman nila ang tila kawalang hustisya at pagpabor ng gobyerno sa mga mayayaman. Inihalimbawa nila ang katiwalian sa Bureau of Corrections at naudlot na pagpapalaya sa dating mayor na si Antonio Sanchez, gayundin ang laganap na “GCTA (Good Conduct Time Allowance) for Sale” sa mga drug lord, rapist at mamamatay tao.

Kinundena rin nila ang patuloy na Oplan Tokhang at militarisasyon ng mga komunidad. (Music: News Background Bidyo ni: Joseph Cuevas/ Kodao)