Ika-limang Kongreso ng Karapatan idinaos
Inilunsad ng Karapatan ang ika-lima nitong Pambansang Kongreso noong Agosto 19-21, 2018 sa Rancho Luisito, Rodriguez sa Rizal.
Dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Karapatan mula sa iba’t-ibang rehiyon at lider ng mga progresibong grupo.
Bitbit ang temang “ Labanan ang pasistang atake sa mamamayan”, naging tampok sa kongreso ang pagtalakay sa limang taon na tagumpay ng Karapatan sa pagtataguyod ng karapatang pantao, paglaban sa atake nang dating rehimen ni Benigno Aquino III at kasalukuyang rehimen ni Rodrigo Duterte, gayundin ang pakikiisa ng organisasyon sa pakikibaka ng mamamayan sa ibat-ibang isyung panlipunan.
Nagbigay ng mensahe at pagbati ang iba’t-ibang grupo at indibidwal sa loob at labas ng bansa, tulad ni Sen. Cynthia Villar, ang Commission on Human Rights, National Union of Journalists of the Philippines, Civicus World Alliance for Citizen Participation at National Democratic Front of the Philippines.
Nagkaroon naman ng workshop ang mga delegado kung saan pinagtibay nila ang Pangkalahatang Programa ng Pagkilos para sa taong 2019 hanggang 2021.
Binigyang-pugay din nila ang dalawa sa haligi ng Karapatan na sina Sr. Cecilia “Ateng” Ruiz ng Karapatan-Gitnang Luson at dating pambansang tagapangulo nito na si Marie Hilao Enriquez.
Nagsagawa din sila ng eleksyon para sa bagong konseho. Kabilang sa mga nahalal sina Elisa Tita Lubi bilang bagong pambansang tagapangulo, Cristina Palabay bilang pangkalahatang kalihim, Roneo “Jigs” Clamor bilang deputy secretary general, Reylan Vergara ng Karapatan Panay bilang pangalawang tagapangulo, at Gabriela Krista Dalena bilang treasurer.
Inihalal din nila ang bagong officers-at-large na kinabibilangan nila Atty. Antonio “Tony Boy” Azarcon, Dr. Reggie Pamugas, Reia Penol, Editha Burgos, Fr. Wilfredo Ruazol, Jose Mari Callueng at Sr. Patricia Fox. (Video at ulat ni Joseph Cuevas)